Sumali si Frenchman Patrick Renucci sa pagtatanim ng palay sa Alangalang, Leyte. Dalawang beses siya tinamaan at muntik mamatay sa schistosomiasis (snail fever); nu’ng huli, 2021, kasagsagan ng pandemic, kinailangan ng emergency heart operation sa Makati. Pero sige pa rin siya sa pag-aaral ng teknolohiya. Gayundin ang asawang Rachel Renucci-Tan, sa finance, marketing at pagtuturo sa batang magsasaka.
Matapos nila maipanalo ang Renucci Rice bilang World’s 3rd Best nu’ng 2019, target nila ngayon mag-No. 1. Kasabay nu’n, mapababa ang presyo ng produksiyon at mapataas ang kita ng magsasaka.
Isang paraan ay sa pataba. Nu’ng una, ginamit ni Patrick ang pinakamabisa sa Europe: organic pero mahal. Tapos sinubukan niya ang nalulusaw na pulbos, all-natural minerals mula sa mga bato sa Pilipinas. Hinahaluan ito ng amino acids, kinakatas mula soya oil, produkto ng Nature Tech Innovations. Nagalak si Patrick sa resulta.
Mahigit P25,000 kada ektarya ang gastos sa imported fertilizer. Sa lokal na pataba P8,500 lang. Katlo lang ang gasta, mayabong ang ani.
Inulat ni Nature Tech operations VP Dante Delima ang field trials:
l Cut foliage para sa flower arrangements, export sa Japan mula Roxas City – Lumago ang produksiyon nang 50%, tumaba ang tangkay, lumapad ang dahon, tumibay sa mahabang biyaheng tawid-dagat.
l Chrysanthemum cut flowers sa Manolo Fortich, Bukidnon – lumago ang ugat, kumapal ang tangkay, dumami ang sanga at bulaklak.
l Palay sa Esperanza, Sultan Kudarat – Sa spray ng pataba kumonti ang peste at sakit kaya hindi na ginamitan ng pesticide at fungicide, bagamat winasak ng insekto ang mga karatig-palayan. Bumigat ng 20% kada sako ng palay, 72 mula 60 kilo; lumago ang ani nang 41%, 7.2 tonelada mula 5.1 kada ektarya. Presyong bilihan ng palay ay P12/kilo; halaga ng produksiyon sa Sultan Kudarat ay P10.23/kilo. Bumaba ito sa P7.55/kilo. Kaya tumaas ang kita ng nagtanim.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).