Imbentong kasaysayan ng China na kanila ang South China Sea mula sinaunang panahon. Pero wala namang nakatalang pruweba saan man.
Ang may opisyal na nakatala ay ang malimit na paglusob ng Pintados ng Panay sa Fujian. Sakay sila ng matutuling bangkang kora-kora. Dosena o daang kora-kora, 300 sakay bawat isa kung sumalakay. Anang Fujians, nangingilabot sila sa pandarambong at panununog ng mga ‘yon. Puti lang ng mata ang nakikita; puro tattoo ang mukha at katawan, at pula ang ngipin dahil sa nganga.
Tinawag silang Pintados ng mga Kastila dahil sa tattoo ng lalaki’t babae. Caracoa o corcoa ang tawag ng Kastila sa kora-kora, mas malaki sa balangay na tig-40 katao lang. Para hindi magapi, pinanlaban ng mga Moro ang kora-kora sa mga galleons ng militar na sumubok sakupin ang Cotabato at Sulu.
Bago dumating ang Kastila, tumatawid ang mga Malay sa South China Sea pagitan ng Indo-China at Luzon, 1300-1500. Nakatala na dalawang beses nagpadala ng hukbo ang hari ng Pampanga para tulungan ang hari ng Siam (Thailand) laban sa Cambodia.
May tala ang China tungkol kay Admiral Zheng He, 1371-1433. Kapon siya sa korte ng Ming Emperor nang utusang lumayag patungong India at East Africa. Sa pitong biyahe tig-300 barko, mula 1405 binaybay niya ang pampang ng Siam at napadpad sa Java, Borneo, India, Arabia at Horn of Africa. Ni minsan hindi siya tumawid ng SCS patungong Luzon.
Mahigit 2000 taon bago ‘yon, tinawid na ng sinaunang Malay—ninuno ng Pilipino, Indonesians, Malaysians—ang Indian Ocean. Nilahian ang Madagascar, isla sa silangan ng Africa. Maraming halaman at hayop sa Madagascar na wala sa mainland Africa pero meron sa Malay archipelago, tulad ng cassava, kamote at mais. Bukod-tangi ang mga Malagasy na nagkakanin sa Africa. Ang pagpapalay ay sa inararong paddy. Ang wikang Malagasy ay hawig sa Ma’anyan ng Borneo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).