TAON 1665 nilimbag ni British polymath Robert Hooke ang librong “Micrographia”. Nilarawan niya ang noo’y bagong imbentong instrumento na nagpapalaki ng imahe: ang microscope. Ginagamit ‘yon para suriin ang pinakamaliliit na istruktura ng mga bato at insekto. Sa pagsilip ni Hooke sa pirasong cork, napansin niya para itong bulilit na honeycomb, loob ng pulot-pukyutan. Tinawag niyang “cell” ang bawat munting bahagi.
Mula nu’n, lumakas nang lumakas ang microscopes. Kumapal ang salamin, gumaling ang pagpasok ng ilaw, umeksakto ang mga sukat. Paliit nang paliit ang mga nasilip at pinag-aralan ng scientists. Hindi lang cells kundi mga bahagi nito: nucleus, DNA at RNA. Pero may mga limitasyon pa rin. Hindi pa rin kaya ng modernong microscope silipin ang anomang mas maliit sa wavelength ng ilaw, ilang daang nanometers. Dahil sumasabog ang liwanag sa pagsuot sa maliliit na puwang, lumalabo ang detalye ng sinisilip.
Nilutas ito nu’ng 2015 ni neuroscientist Edward Boyden ng Massachusetts Institute of Technology. Imbes na mag-imbento ng mas malaking microscope, gumawa siya ng paraan para palakihin ang bagay na sinisilip, ulat ng Economist. Simple lang ang teknik niya na tinaguriang “expansion microscopy”. Pinapatakan ng fluorescent marker ang pag-aaralang protein. Tapos pinapahiran ito ng expandable gel at dinaragdagan ng enzymes para palambutin ang matitigas na paligid ng cell. Namamaga ang specimen, kasama ang fluorescent markers. Lumolobo ito nang 41/4 beses, nang hindi nababago ang mga proporsyon.
Pero may sulok-sulok ang proteins na hindi basta masingitan ng markers. Malabo pa rin ang plaques ng Alzheimer’s disease, halimbawa. Binago ni Boyden ang paraan. Pinamaga muna ang specimen bago lagyan ng markers. Pinalitan ang enzymes ng init. Lumolobo na ang specimen nang 18 beses. Masusuri na ang Parkinson’s, anang Economist.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).