ILANG beses ba kailangang pakiusapan, pilitin, paalalahanan, payuhan ang PNP: Magsuot ng body cameras sa lahat ng operasyon kontra-droga.
Ang body-cam videos ay resibo ng mga kaganapan. Mga ebidensiya ‘yon na tatayo sa korte. Sino mang maysala ay bistado.
Sa Wi-Fi ng body-cams mamo-monitor ng command center ang nagaganap sa field. Makikita kung tama o mali ang kilos ng mga pulis.
Body-cam videos ang sasagot sa mga paratang. Makikita sa replay kung totoong nanlaban ang suspek, bumunot ng armas at nabingit ang buhay ng mga pulis kaya tinumba siya. Ligtas ang pulisya sa paratang ng human rights violations.
Sa body-cam video rin napapanood kung umabuso ang pulis, nagtanim ng ebidensiya at nag-”salvage”. Madidisiplina siya.
Kamakailan nagbintangan ang mga heneral ng PNP tungkol sa pagpapalaya sa raid sa drug lords. Anang dalawang heneral, inutos daw sa kanila ang pagpapakawala sa suspeks. Sagot ng dalawang nakakataas, wala silang gan’ung utos at pinalaya na raw ang suspeks bago sila dumating sa eksena.
Kung may body-cams ang mga operatiba, e di na-video sana kung sino ang nag-utos ng ilegal na pag-absuwelto sa suspeks, ani House Deputy Majority Leader Ralph Recto. Huwag na sana umasa ang pulis sa video-cams sa mga poste o tindahang malapit sa raids, dagdag niya.
Senate President Pro Tempore si Recto nu’ng 2018 nang maglaan ang Kongreso ng pondo pambili ng body-cams. Handa agad ang pera, pero nagpatumpik-tumpik ang sunud-sunod na PNP chiefs bago bumili.
Si Director General Guillermo Eleazar, matuwid na opisyal, ang sa wakas ay nag-obliga sa pagsuot ng body-cams. Pero pag-alis niya sa puwesto, balik sa dating kalokohan ang PNP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).