TATLONG pook ang paulit-ulit binabanggit ni President Xi Jinping sa mga talumpati. Aniya hinding-hindi bibitiwan ng Komunistang China ang tatlong inaangking teritoryo: Tibet, Taiwan at West Philippine Sea. Handa siyang makipagdigmang militar at pulitika para sa tatlo. Dahil du’n, asahan na magkakagulo sa rehiyon at makikialam ang China sa Halalan 2022 sa Pilipinas.
Kritikal para sa China ang Tibet. Nu’ng 1950 sinakop ni Chairman Mao Zedong ang malayang kaharian sa tuktok ng Himalayan mountains. Isang taon pa lang sa poder noon ang Chinese Communist Party. Sa Tibet kasi bumubukal ang tatlong pinakamalalaking ilog sa China. Nagkataon na isa sa tatlo, ang Mekong, ay umaagos din patungong Laos, Cambodia, Vietnam at Thailand. Nagkataon din na lima pang ilog mula Tibet ang umaagos patungong India, Bhutan, Nepal at Pakistan. Nakakawawa ang mga kapit-bansa dahil halos inuubos ng China ang tubig ng mga ilog sa loob ng boundary niya.
Balak lusubin ng China ang Taiwan. Para sa Komunista, ang isla na dating tinatawag na Formosa ay probinsiya lang nila. Doon tumakbo ang mga Kuomintang nang manalo ang Komunista sa civil war nu’ng 1949. “Babawiin” ito ng Komunista ngayong ika-100 taon ng CCP.
“Fake news of the century” ng China na kanila ang buong South China Sea. Bahagi nu’n ang WPS na exclusive economic zone ng Pilipinas; bahagi din ang EEZs ng Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan. Inaasam ng Komunista ang langis, gas, rare metals, bagong gamot at pangisdaan sa SCS.
Sisikapin ng China ipapanalo sa Halalan 2022 ang pangulo na tuta nito. Popondohan ng China ang “Manchurian candidate”. Mahalaga para sa China ang tuta sa Malacañang na papayag sa pag-angkin nila sa WPS. Mahalaga rin ang tuta na ipagagamit ang lupa, dagat at himpapawid ng Pilipinas para lusubin ang Taiwan. Mag-ingat tayo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).