Baluktot ang katwiran ng bureaucrats ng Dept. of Environment and Natural Resources. Kesyo hindi raw nagdudulot ng baha ang rock quarries sa taas ng bundok. Dahil taun-taon ang tag-ulan, natural lang daw bahain ang mga lambak sa ibaba. Bukod du’n, tambak ang basura sa mga komunidad na nagbabara sa mga kanal.
Totoong bumabagyo kada taon. Totoong maiipon ang ulan sa lambak, tulad ng Marikina-San Mateo-Cainta. Totoong nakakadagdag sa baha ang basura. Pero kapag kinalbo ang gubat sa bundok, mawawala ang pampigil sa baha. Bubulwak agad sa mga komunidad. Mali ang pahiwatig ng DENR bureaucrats na dapat umalis ang mga tao sa ibaba para hindi mapinsala ng quarries sa itaas.
Mag-aral sana sila ng kasaysayan. Mahigit 500 taon na may naninirahan sa Marikina-San Mateo-Cainta. Ang Cainta noon ay kutang Malay na napapalibutan ng kawayan at kanyon. Kasama ang ilang Bisaya, nilakbay ng mga barkong pandigma ni Legaspi ang Ilog Pasig at nilupig ang kuta. Sa madaling salita, komunidad na noon ang ibaba. Nagkaroon lang ng quarries sa Upper Marikina Basin Watershed nitong nakaraan 50 taon. Mula nu’n, naging problema na ang baha.
Sa pananaw ng DENR bureaucrats, tungkulin nila ipamahagi imbis na protektahan ang likas na yaman ng bansa. Paspasan nila pinahihintulutan ang pagmimina maski salaula ang kumpanya. Kesyo raw mauudlot ang infrastructure program ng gobyerno kung walang quarries na pagkukuhanan ng graba.
Kalokohan! May bagong teknolohiya na ngayon sa paggamit ng lumang gulong ng sasakyan at basurang plastic para gawing kalsada.
Pinupulbos ito bilang pamalit sa semento at aspalto. Kapag tinibag ang bundok, hindi na ito tutubo muli.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).