NASABAT ng pulis ang 7,000 SIM cards sa isang Taiwanese at ka-live-in na Pilipina sa San Jose del Monte, Bulacan nu’ng Hunyo. Anang raiders, hindi lehitimong tindero ng SIM ang suspek kundi cyberscammer.
Kung gan’un, malamang marami pang ibang scammers na nag-iimbak ng SIM cards. Absolute deadline ng SIM registration sa Hulyo 25. Inaapura ng scammers ma-rehistro ang SIMs para manggantso online.
Mahirap mag-imbento ng pangalan, litrato, tirahan, kasarian at edad ang SIM registrant. Kailangan magprisinta ng government I.D. Hinala ng pulis na ipare-rehistro ang SIMs sa mga totoong tao, maski makalipas ang Hulyo 25. Tapos gagamitin ito sa raket.
Malamang throwaway ang cyberscamming SIMs. P40 lang ang puhunan sa bawat isa. Maari suhulan ng P500 ang registrant. Tapos lalansi ang scammer ng libo-libong piso.
Labag sa SIM Registration Act ang pagbenta ng rehistradong SIM sa iba. Kuwenta ganu’n ang mangyayari kung magpabayad ang registrant sa scammer. Kulong at multa ang parusa. Hindi puwedeng magpalusot ang maysala na ‘di niya alam na bawal pala ang ginawa niya. Pakay ng batas sugpuin ang cyberscamming.
Babala ng National Telecommunications Commission na ang bayarang registrant ang makukulong kapag ginamit ang SIM na may personal data niya para sa cyberscamming. Sabit siya.
Heto pa ang siste. Maari ring biktimahin ng scammer ang uto-utong pinagrehistro ng SIM. Makukuha kasi niya ang confidential personal data ng registrant. Mula ru’n marami ng panloloko ang gagawin sa biktima.
Walang pinagkaiba sa flying registrant sa halalan ang nagbebenta ng rehistradong SIM. Pinapahamak ang sarili.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).