Bawat siyudad may sariling karakter. Dala ‘yon ng klima, disenyo at ugali ng tao. Kaya lang sinisira rin sila ng mahinang gobyerno.
Sumikat nu’ng dekada-’60 ang kantang “I Left My Heart in San Francisco” hindi lang dahil kay Frank Sinatra kundi pati sa mga katangian ng lungsod. Malamig maski maaraw. Kamangha-mangha ang Golden Gate Bridge. Malayang gumala ang mga hippie, LGBTQ at ordinaryong tao na may mga bulaklak sa buhok. Pero ngayon iniiwasan ang SFO dahil hindi masawata ng pulis ang bukas-kotse at shoplifting.
Kung kakayanin mo sa New York, kakayanin mo kahit saan, ayon sa sikat na awit ni Liza Minnelli. Sentro ito ng kultura at ekonomiya ng America – Broadway, telebisyon, recording, Wall Street, dollar trading. Ngayon iniiwasan din dahil binibiktima ang Asians ng hate crime.
Rome ang sentro ng Kristiyanismo. Narito ang Vatican, St. Peter’s Cathedral, Sistine Chapel, Colosseum, Forum at mga obra ni Michelangelo. Maliit lang ang siyudad pero dito ang pinakamaraming mandurukot sa mundo – binibiktima ang milyun-milyong turista.
Chinese Communist Party ang nagwasak sa imahe ng Shanghai at Hong Kong. Binawal ang pagtuligsa; inobliga maging pare-pareho ang pag-iisip. Nawalan ng kinang ang Shanghai mula 1949 at HK mula 2019 dahil malupit na sinupil ng CCP ang karapatang magpahayag.
Sana patuloy ayusin ang mga siyudad sa Pilipinas:
Tanyag ang Manila dahil sa Manila Bay sunset, Intramuros, Luneta at Zoo. Mga lumang gusali, simbahan at tulay. Malalaking campuses. Murang pamilihang Binondo, Divisoria, Sta. Cruz at Quiapo. Pagkain sa Chinatown. At “mga jeepney na nagliliparan”, anang awit ng Hotdog.
Popular ang Baguio dahil sa ukit at habing Igorot, The Mansion, Burnham, Mines View Park. Binuksan sa sibilyan ang dating Camp John Hay ng U.S. Air Force. Maginhawa. Maraming unibersidad.
Pasyalin ang Vigan, Malolos, Tagaytay, Puerto Princesa, Legazpi, Cebu, Bacolod, Dumaguete, Iloilo, Kalibo, Cagayan de Oro, Zamboanga.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).