SA 20 buwan ng pandemya 20 bansa na rin ang napasyalan naming pamilya – sa panaginip. Detalyado namin plinano bawat biyahe: ang budget, airline na sasakyan, hotels na tutuluyan, tourist attractions na pupuntagan, at putahe na titikman. Pumasok ang mga travel videos sa panaginip namin. Hanggang du’n lang kami dahil walang patid ang lockdowns at higpit sa paglabas ng bahay. Pero nakakapagod din.
Kanya-kanya tayo ng paraan maging produktibo habang naka-isolation. May mga naging-plantito at plantita – napahilig sa pag-plant ng namumulaklak o nagpuprutas. May naging petito at petita, nag-alaga ng bagong pet: aso o pusa, may lahi o napulot lang na gumagala. ‘Yung iba nag-aral ng ibang wika, pagpinta, o pag-akda ng tula. May pamangkin ako na naghasa sa rock guitar, at pinsan na natutong mag-bake ng cake at biskwit. Marami akong kilalang nagpaganda ng pinahabang buhok, balbas at bigote. At lahat tayo nalulong sa Netflix.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Natural sa tao na maghanap ng pagkakalibangan. Ayaw natin magmukmok habang nasa bahay lang. Hindi puwedeng puro work-from-home at paglilinis lang ng kuwarto. Dapat may baong matutunan o pagbalingan ng atensiyon. Kailangan mahasa ang utak o maiwasan ang lumbay ng pag-iisa. Kahit ano – basta may masarap na pakiramdam na may bago kang nagawa at napagtagumpayan, malaki man o maliit.
Paglipas ng pandemya may mga bagong galing tayong lahat. Hindi kataka-taka, anang mga eksperto, na kapag normal na muli, marami ang magre-resign sa trabaho para atupagin ang bagong natuklasang talento, negosyo o hilig. Bahagi ‘yon ng “bagong normal”. Kumbaga, magiging permanente ang nahasang pagpipinta, pagtutula, pagluluto, pagtatanim, pag-aalaga – baka madagdagan pa ng iba.
Kaming pamilya mag-eempake na ng maletang pambiyahe.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).