Noong mga batang Army officers sila ng dekada-’50 at tumutugis sa mga rebeldeng komunista, tinanong nina Fidel Ramos at Jose Almonte ang mga sarili, “Bakit natin kinakalaban ang kapwa-Pilipino?” Nabatid nila ang sagot habang tumataas ang ranggo. Nadestino sila sa iba’t ibang probinsiya. Namalas nila ang malaking agwat ng mayaman at mahirap at ang pag-abuso ng mga politiko. Sa kawalan ng hustisya nagrerebelde ang mga maliliit. Tapos isinasabak ang sundalo para puksain ang gulo.
Hindi operasyong militar ang solusyon kundi kaunlaran, ipinasya nina Ramos at Almonte. Nu’ng 1986 chairman ng Reform-the-AFP Movement si Almonte nang mamuno si Ramos ng People Power Revolt kontra sa pandarambong at diktadurya ni Ferdinand Marcos.
Sa pagbalik ng mga karapatang pantao at demokrasya nanahimik ang bansa. Nag-repormang agraryo at pinaunlad ang kanayunan. Humina ang mga rebeldeng komunista. Nanatili sila sa iilang liblib na barangay. Paminsan-minsan nagre-raid ng plantasyon o maliliit na police outpost para mangalap ng armas at publisidad. Pero hanggang du’n lang. Hindi umaabante ang Maoistang ideyolohiya. Maari nang ibigay ng army sa pulis ang tungkuling counter-insurgency.
Ang totoong banta sa Pilipinas ay ang Chinese Communist Party. Inuutusan ng CCP ang People’s Liberation Army na agawin ang West Philippine Sea. Pitong bahura na ang inagaw at kinongkretong island-fortresses. Mula ru’n tinatakot ang mga Pilipinong mangingisda at explorers ng langis at gas.
Ninanakaw ang pagkaing dagat ng Pilipinas. Pati ibang minerals at bagong medisina sa mga bahura ay inaagaw. Konserbatibong P33.1 bilyong yaman-dagat ang nawawala sa Pilipinas kada taon, anang marine scientists as University of the Philippines. Kaya P231.7 bilyon na lahat mula 2014 hanggang 2020, sinuma-total ni dating foreign secretary Albert del Rosario. At patuloy ang pagpapahirap ng CCP sa Pilipino.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).