Edad-5 pa lang si Efren “Bata” Reyes nang matutong mag-billiards. Tagalinis siya noon ng tapete sa bilyarang pag-aari ng tito. Hinangaan niya ang matatandang nagka-carambola. Para makatumbok, kinailangan noon ni Bata tumuntong sa mga patung-patong na kaha ng Coke. Nahasa siya sa “placing” at “pabanda”. Sa edad-9 siya unang nanalo sa torneo.
Mabilis naging pamprimera si Bata sa laro. Tsamba lang kung matalo siya ng ibang magagaling. Isinabak siya sa billiards champions sa America na magagaling mag-break sa 9-ball: Mike Sigel, Johnny Archer, Earl Strickland. Lahat dinaig ni Bata. Naging Hall of Famer din siya.
Inspirasyon si Bata ng kabataan. Tinutularan ang sipag at tiyaga niya sa ensayo. Naging kampeon din ang mga tagahanga niya.
Edad-16 si Manny Pacquiao nang sumabak sa professional boxing. Underweight siya noon, 98 pounds, sa mini-flyweight division; height 4’11” lang. Dalawang taon bago ‘yon, habang piyon sa construction, lumaban siya bilang amateur. Natukso ngunit hindi nagpalulong sa droga. Sinikap makawala sa karalitaan. Idolo niya sina world heavyweight champions George Foreman, Evander Holyfield at Mike Tyson. Walong world titles ang nakamit niya, bukod sa daan-daang milyong dolyar. Tanyag sa mundo.
Dakilain natin ang marami pang kampeon, hindi kakasya sa espasyong ito: Gabriel “Flash” Elorde, Eugene Torre, Bong Coo, Paeng Nepomuceno, Amang Parica, Django Bustamante, Lydia de Vega, Elma Muros, Dodie Peñalosa, Nonito Donaire, Onyok Velasco, Caloy Loyzaga, Robert Jaworski, Freddie Webb, Atoy Co, Bogs Adornado, Samboy Lim, Lim Eng Beng, Alvin Patrimonio, Cristy Ramos-Jalasco, Bert Honasan, Mikee Cojuangco-Jaworski, Toni Leviste, Margielyn Didal, Hidilyn Diaz, EJ Obiena, Alex Eala, Yuka Saso. Salamat sa inspirasyon at ehemplo!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).