RUMARAGASA ang kampanya ni Bongbong Marcos, anak ng pinatalsik na diktador Ferdinand Marcos. Kapansin-pansin sa mga pala-analisa ang ilang katangian. Suportado si BBM ng apat na partido ng mga Pangulo o pamilya nila. Sangkot ang mga ito sa pandarambong at patayan, absuwelto man o sentensiyado. Lahat sila ay nagpapanatili ng political dynasties. Labag sa Konstitusyon. Yumayaman ang dynasties nila sa sugal at droga. Lihim na tuta sila ng walang Diyos na Communist China.
Halos 60% daw ang popularity ratings ni BBM.
Kasinungalingan ang kampanya ng koalisyong BBM, batikos ng mga historian. Kinakalat ng social media trolls na kesyo maunlad ang martial law ng matandang Marcos, gayung nandambong ang pamilya niya ng $30 bilyon kaya namulubi ang bayan. Kesyo raw mabuti ang diktadurya, gayung libu-libo ang pinatay, pinahirapan at ikinulong nang walang sakdal. Kesyo kapag naging Pangulo si BBM ay ipamimigay daw sa maralita ang 7,777 toneladang “Tallano gold” ng pamilya na nakaimbak umano sa Bangko Sentral. Walang ganung record na dinaig pa nila ang gold reserves ng America. Kesyo raw mataas ang pinag-aralan ni BBM sa London, gayung pabandying-bandying lang sa mansyon kaya nag-donate pa ang nanay ng pera – nakaw sa bayan – para isyuhan siya ng diploma sa kunwari’y natapos na kurso.
Napapaniwala ang madla sa paulit-ulit na kabulaanan. Kung napakalaki ng fake news napapaisip ang tao na imposibleng bola lang ‘yon. Ganung-ganon ang taktika nina Hitler at Nazis nung agawin ang poder at dambungin ang Europe. Ngayon binabayaran ng grupong BBM ang Cambridge Analytica at tiwaling influencers para sa propaganda. Kapag nag-viral ang mali pinapaakala nila na totoo na agad.
Nilalabanan ng mga mag-aaral at propesor, scientists at abogado, pari at madre ang kasinungalingan. Natatakot sila na kung mapapaniwala ang madla sa baluktot, babalewalain na ang tamang asal. Hangad nila magkaisa lahat ng relihiyon at obispo para sa Totoo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).