Opinyon ni Rodrigo Duterte na legal ang pagkandidato niyang Vice President sa Halalan 2022. Bukod sa asunto sa Korte Suprema, haharap siya sa matinding pagbusisi ng mga botante. Hindi niya madaraan lahat sa daldal at mura sa malimit niyang hatinggabing Puyat sa Bayan. Hihingin ng botante ang matuwid na pagkatao ni kandidatong Duterte.
Dalawang maseselan ang itinatago ni Duterte. Una, ang taunang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Ikalawa, ang tunay na lagay ng kanyang kalusugan – katawan at isip.
Huling naglabas ng SALN nu’ng 2017 si Duterte. Katwiran niya, nakikisama kasi siya sa pagbawal ni Ombudsman Samuel Martires sa paglabas ng SALN dahil baka komentaryohan ito. Hindi uubra ang palusot na ‘yon mula sa isang kandidato. Hindi kailangan ang permiso ni Martires para boluntaryong aminin ni kandidatong Duterte ang yaman.
Kung walang itinatagong yaman, walang dapat ikatakot sa paglahad ng SALN. Sira-ulo lang ang magtatangkang kikilan ng yaman ang Pangulo batay sa SALN, at protektado siya ng presidential guards. Utos ng Konstitusyon at ng Code of Conduct for Public Officials na magsumite ng taunang SALN. Kusa itong nilalabas ng mga kandidato. Magmumukhang guilty si Duterte kung umayaw.
Magiging edad-77 na si Duterte sa 2022. Tatanungin ng botante kung kaya pa niyang mahalal. Tuwing mahihilo o matapilok siya sa entablado, titindi ang tanong. Ipapaeksplika rin sa kanya ang psychiatric conditions na pinagbatayan ng Korte nu’ng 1998 para i-annul ang kasal niya. Bahagi ng ulat na ‘yon ang pagiging manhid sa damdamin at paghihirap ng iba at kawalan ng responsibilidad sa anuman.
Titimbangin lahat ng salita ni kandidatong Duterte. Magdududa ang botante kung joke lang na naman ang plataporma niya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).