Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
IKINAKAILA ni Bongbong Marcos ang nakaw na yaman ng angkan niya. ‘Yon ay bagama’t sinentensiyahan ng Sandiganbayan nu’ng 2018 ang nanay niyang si dating first lady Imelda Marcos ng pitong counts ng graft. Nabawi na rin ng Presidential Commission on Good Government mula 1986 ang P174 bilyon ari-arian nila at hinahabol ang P125 bilyon pa.
Kung maging presidente si BBM maglalagay siya ng alipores sa PCGG para isoli ang nabawing yaman at tigilan ang paghabol sa iba pa. Tapos bubuwagin niya ito. Para que pa niya hahangarin ang poder ng pangulohan kundi upang mapasakanila muli ang dinambong?
Binuwisan ng Bureau of Internal Revenue ng P23.3 bilyon ang estate ni diktador Ferdinand Marcos nang yumao ito nung 1989. Bilang estate administrator, binalewala ni BBM ang singilin ng BIR. Dahil sa interest at penalties, lumobo na ito sa P203.8 bilyon ngayon.
Kung maging presidente siya, ipabubura niya sa BIR ang P203.8 bilyon. Ugali niya umiwas sa buwis. ‘Yon ang dahilan kaya sentensiyado siya ng income tax evasion habang vice governor at governor ng Ilocos nu’ng 1982, 1983, 1984 at 1985.
Ani BBM, hindi niya ilalantad ang kanyang taunang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth kung maging presidente. Ito’y bagama’t ang SALN ay unang panukat ng integridad ng isang opisyal.
Nu’ng senador si BBM, 2010-2016, hindi siya nagkusang-loob ilabas ang SALNs niya. Ipinaskel lang ng Senate Secretariat ang SALN ng lahat. Sa debate nang kumandidato siyang VP nu’ng 2016 hindi niya maipaliwanag kung bakit dumoble ang personal na yaman niya sa P250 milyon; wala naman siyang negosyo o ibang trabaho kundi mambabatas. Napasama pa siya sa mga senador na nagbulsa ng pork barrel, kaya lang hindi nakasuhan. E, kung mag-presidente pa kaya siya?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).