MAS tumitindi ang bagyo sa Pilipinas. Pero kulang sa inuming tubig. Walang koneksyong-tubig ang mga maralitang taga-lungsod. At lalong walang tubo ang mga layu-layong bahay sa kanayunan. Umiigib pa sa malayong poso o balon ang mga ina at bata. Naaabala ang pag-alaga sa anak; nagugulo ang pag-aaral at paglalaro.
Sakit ang idinudulot ng maruming tubig. Isang bata sa mundo ang namamatay kada dalawang minuto dahil dito. Bukod pa ang dengue at malaria na dala ng mga lamok mula sa pusali at tubig-tigang.
Nasa batas na dapat maghukay ng water impoundment sa pinaka-mabababang lugar ng bawat barangay. Gamit ang bagong teknolohiya, mapi-filter ang naipong tubig para panlinis man lang. Tungkulin ng gobyerno na kabitan ng tubo bawat bahay, tindahan at opisina. Kaya nga may Metropolitan Waterworks and Sewerage System at Local Water Utilities Administration. Dapat protektahan ng Department of Environment and Natural Resources at mga lokal na gobyerno ang watersheds.
Kasing halaga ng inuming tubig ang tubig pangkubeta. Tularan sana ng gobyerno ang ginawa sa India. Isang dekada noon namahagi ang pamunuan ng India ng inidoro sa bawat bahay. Itinuro sa mga ina ng tahanan kung saan ito ikakabit, gaano kalaki at kalalim ang imburnal, at kalapit na gripo. Bakit ang ina? Siya kasi ang nag-aasikaso sa kalusugan ng tahanan, kasama ang pagkain, tubig at gamot.
Nasugpo ng India ang mga sakit na dysentery at cholera. Napasigla ang mga bata (kasabay ng pamumudmod ng gatas). Napahaba ang buhay ng mamamayan.
Taon 1902 pa sinabi na ng Philippine Commission ni Governor General Howard Taft na kapos sa inuming tubig at pangkubeta. Panahon nang lutasin ang krisis.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).