TATAG ng loob at talas ng isip ang kailangan kontra sa anomang paglapastangan. Napatunayan ‘yan ng Indonesia at Vietnam laban sa pang-aagaw ng China ng karagatan nila.
Nitong nakaraang Disyembre nakapag-drill na ng petrolyo ang Indonesia sa Natuna Isles nila. ‘Yun ay maski pinaliligiran ng Chinese warships ang pook at hinaharang ng armadong Chinese coastguards ang Indonesian surveyors. Pinanindigan ng Indonesia na ang langis at gas ay nasa teritoryong dagat at exclusive economic zone nila sa ilalim ng batas ng mundo. Matiyaga nilang sinagot na walang batayang legal ang pag-angkin ng Beijing sa Natuna. Matapang pero mahinahong sinamahan ng Indonesian sailors ang mga sibilyang surveyors at drillers.
Nu’ng 2014 napigilan ng Vietnam ang paglagay ng China ng higanteng oil rig sa Paracel Isles. Nasa EEZ ng Vietnam ang Paracels, na ilegal ding inaangkin ng Beijing. Nagsumbong ang Vietnam sa UN at mga kaibigang bansa. Sinalubong nila ng mga bangkang pangisda ang Chinese warships. Paulit-ulit binangga ng maliliit na bangka ang warships, miski 72 ang lumubog. Naawa ang mundo at kinampihan ang Vietnam. Napilitan ang Beijing na alisin ang oil rig at warships.
Sinasamantala ng Komunistang China ang kahinaan ng loob at isip ng bansang inaabuso. Akala niya nu’ng una na kayan-kayanan niya ang Malaysia. Nagulat ang Beijing nang sagupain at palayasin ng Malaysian Air Force ang pulutong ng Chinese fighters na namasok sa air space.
Samantala sa Pilipinas, Chinese warships pa ang pumapatrulya sa Recto Bank. Nasa EEC ng Pilipinas ang petroleum reserves doon. Pero binabawalan ng China ang drilling kung hindi sila kasosyo. Pinaaatras ni President Duterte ang pagsali ng Philippine military sa joint exercises ng America roon. Naeengganyo ang China na agawin ang yaman natin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).