NU’NG unang naimbento ang 3-dimensional printing isang dekada na ang nakalipas, lusaw na plastic ang unang laman. Mga marketing displays sa malls at showrooms ang mga unang produkto. Halimbawa: maliliit na manyika o prutas o hayop. Hindi nagtagal, naging life-size na: mannequin sa pagbenta ng damit, kabayo-kabayohan sa karnabal, at mesa’t silya pang-kusina.
Naimbento rin ang super-hard plastic. Naging basic na kagamitan ang 3-D printer sa mga barko—para makagawa ng emergency spare parts, tulad ng tornilyo at bukasan ng pinto, na papalitan na lang ng tunay na piyesang bakal pagdaong sa puerto. May mga sindikatong kriminal na bumuo pa ng mga pistols gawa sa hard plastic. Inobliga nang maraming gobyerno ang pagrehistro ng 3-D printers.
Kamangha-mangha nu’ng naisip ang lusaw na quick-dry foam para panghulma. Agad sinubukan ito panggawa ng bungalow. Sa pagbuga ng foam nabuo ang tamang kapal ng poste, dingding, partisyon, sahig, kisame at bubong na dinisenyo ng arkitekto. Nakakorte na ang mga bintana at pintuan. Nakakagawa na ngayon ng gusali na hanggang dalawang palapag, kasama ang hagdanan, gawa sa foam.
Ineeksperimento ang paggamit ng metal, graphite at carbon fiber sa 3-D printing. Makakagawa ng maliliit na bagay mula sa bearings, papalaki tulad ng fishing rods at gold clubs, hanggang kotse, bus at dump trucks. Pati mga makinang de-baterya ay maisasalpak na agad.
Nagsimula ang 3-D printing sa mga maliliit na negosyo pambuo ng mga bagay-bagay miski sa garahe. Naging pangmalakihang gamit ito sa tindahan at pabrika. Kung magmura ang materyales, mauuso ang 3-D printers sa mga ordinaryong bahay—panggawa at pang-repair ng kung anu-ano: pangbanyo, sala, kainan at tulugan. Dadali ang buhay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).