MALUNGKOT si Engr. Dante Yglopaz, 84, sa mga binigkas ni Rody Duterte bilang presidente. “Sabi niya, huwag tayong lumaban sa China kasi malakas ‘yon at mahina ang Pilipinas,” wika ni Yglopaz sa Sapol. “Mali ‘yon; karuwagan ‘yon.”
Dalawampu’t tatlong taong gulang si Yglopaz nang sumama sa Scarborough Shoal survey nu’ng Marso 1961. Kinontrata sila ng U.S. Army Map Service-Far East para tiyakin ang longitude at latitude ng shoal. Kasama niya sina geodetic engineer Felipe F. Cruz, radioman Victor Henry Baledia, at astronomer Felipe Caddauan. Assistant astronomer siya ng grupo. Graduate ng geodetic engineering-astronomy sa Manuel L. Quezon University, Manila, Oktubre 1959.
Isang linggo silang nagkalkula ng eksaktong lokasyon batay sa anino ng buwan sa mga bituin sa gabi (occultation). Bitbit nila ang librong nagtatakda ng 55,000 estrelya. Sa araw kino-compute nila ang saliksik sa mechanical adding machine. Sa maliit na shed ng USAMSFE sila nagtatrabaho, kumakain at natutulog. Walang haligi ang shed; sahig na tabla lang; basa sila palagi ng alon. Nasa U.S. Army archives ang resulta ng pag-aaral. Sayang, nasira ang mga personal na litrato at journal ni Yglopaz sa baha ng Bagyong Ondoy sa Marikina noong 2009.
Marami pang ibang lokasyong kinalkula sina Baledia, Caddauan, at Yglopaz. Mga tuktok ng bundok sa Sulu, Babuyan Islands, Palawan at Pangasinan. Mula dulong Timog ng South Vietnam hanggang demarcation line sa North. Sa Australia, New Zealand, Kwajalein, Guam, Saipan at mainland America.
“Hindi dapat isuko ng presidente ang Pilipinas kanino man,” ani Yglopaz. “Maski maubos ang 110 milyong Pilipino, lumaban dapat tayo. Hindi tayo sumusuko sa manlulupig, mula pa kay Lapulapu. Sa Bataan nu’ng 1942, suko na ang Amerikano pero lumalaban pa ang Pilipino.”
Marangal, matatag ang pagka-Pilipino ni Yglopaz.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).