Napaniwala ang Pilipino sa mga pangako ni Rodrigo Duterte nu’ng 2016. Aniya buburahin niya ang korapsyon at droga. Igigiit daw ang soberenya ng Pilipinas sa ating karagatan. Ang maruming bunganga niya ay inakala ng tao na kaisa nila siya.
Ngayong inuusig si Duterte ng International Criminal Court sa pagpatay ng libong adik na umano’y ‘‘nanlaban’’. Nabisto ang pandarambong ng mga tauhan at kaibigan niya sa Pharmally. Nalantad ang pagkomplot ni campaign contributor Dennis Uy sa Malampaya gas field. At isinuko sa Communist China ang ating West Philippine Sea.
Dahilan lahat ‘yan para manatili siya sa poder. Kumakandidato siyang senador. Ginagawang Vice President ang anak. At nagmamanok ng kandidatong Pangulo na magpuprotekta sa kanya kontra bilanggo at magpapatuloy ng pagkatuta sa Communist China.
Magaganap lahat ‘yan kung patuloy ang paghahati-hati ng Oposisyon. Mapera at makapangyarihan na nga ang mga bata-bata ni Duterte, nakakalat pa sa mga paksiyon ang hanay ng Oposisyon.
Mag-isip-isip na sana ang mga totoong nagnanais ng pagbabago. Mas mahalaga ang kapakanan ng madla kaysa personal na ambisyon. Hindi nakakahiya kundi dakila kung umatras ang mahihina sa kanila. Pagsanibin nila ang kalat na puwersa. Suportahan nila ang isa lang para Pangulo at VP, at 12 lang para senador.
Alam ng Oposisyon ang kahihinatnan ng pagkawatak-watak nila. Mananalo ang mga dinastiyang mandarambong at traydor sa bansa. Lalong lalaganap ang karalitaan at gutom. Malulusaw ang mga hanapbuhay at mapapabayaan ang edukasyon. Mapapasakamay ng Communist China ang WPS. At bababa sa kasaysayan ang katigasan ng ulo ng Oposisyon sa Eleksiyon 2022. Diyos ko po!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).