Isip-kolonyal na ang mga pusod ng Japan, Taiwan at Pilipinas ay nakakabit sa Amerika. Sinakop o inimpluwensyahan ng Amerika ang Pilipinas mula lang 1899, ang Japan nu’ng 1945, at Taiwan nu’ng 1949.
Libong taon noon iisa ang Asia. Binubuo ito ng dalawang dagat, Pacific at Indian Oceans, kung saan nagkakalakalan sa mga pampang mula East Asia hanggang South Asia.
Libong taon noon lumaganap ang Islam sa Asia mula Middle East, at Hinduism at Buddhism mula India. Maraming salita at pangalang Arabo at Indian sa Cambodia, Myanmar, Thailand, Malaysia, Brunei, Indonesia at Philippines. Ehemplo: “guro”, “sultan”, “maharlika”, “kare-kare”, “dalita”, “sampalataya”, “mukha”, “asawa”. Buddhist karamihan ng sinaunang templo sa Siem Reap Cambodia; may isang Hindu. Buddhist ang ancient city ng Borobudur sa kagubatan ng Indonesia.
Dalawang libong taon noon tumawid ang mga Malay sa Indian Ocean sakay ng maraming karakoa, barkong pandigma. Wala pang motor noon; layag, katig at sagwan lang. Tig-300 mandirigma bawat karakoa, dinaig ang malalaking alon at bagyo sa 9,000 kilometrong ruta.
Sinakop nila ang higanteng isla ng Madagascar sa East Africa. Bukod tangi ngayon sa Africa ang Madagascar na may mga hayop, tanim at pamamaraang Malay. Halimbawa: kalabaw at tarsier, saging na lakatan at latundan, at mga palayang napapalibutan ng pilapil. Anang ilang biyahero tila puntong Infanta Quezon kung magbilang sa wikang Malagasi ng Madagascar.
Bumabalik ang konseptong iisa ang Asia. Tinatawag itong “Indo-Pacific”. Tinatanggap ito ng America, Europe at Australia. Hindi na nila hinahati sa Middle East, Near East, at Far East.
China lang ang kumokontra sa Indo-Pacific. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).