Tinuring ng mga Kastila si Jose Rizal bilang numero unong kalaban. Kesyo pangunahing ingrato raw siya dahil sa paghangad ng kasarinlan. Kesyo kampon daw siya ng demonyo dahil sa pagbatikos sa mga prayle.
Pinamanmanan siya ni Federico Moreno, hepe ng Cuerpo de Vigilancia. Lihim itong nangalap ng datos tungkol sa mga subersibo. Daan-daang espiyang peninsulare, insulare, mestizo at indio ang inupahan para buntutan si Rizal at kapwa repormista. Sinumite ang mga ulat sa gobernador-heneral sa Intramuros.
Kung saan-saan itinanim ang mga espiya. Sa Hotel de Oriente sa Binondo, Bazar Japones at Bazar Ingles sa Plaza Moraga, mga istambayan sa Escolta, Vitas, Calles Jolo at Azcarraga, Ermita, Malate at Tutuban. Tatlong pahina ang ulat sa maghapong kilos ni Antonio Luna, kapatid ng kaibigan ni Rizal na Juan Luna.
-
Hindi lang si Jose ang minanmanang Rizal. Pati mga ate niya ay pinag-initan. Inalam kung ano ang kinalaman nila sa mga kilos niya.
Agosto 14, 1890 dumating ang telegrama mula Hong Kong sa opisina ng La Solidaridad sa Madrid. Nabahala si punong patnugot Marcelo del Pilar. Inaresto raw sa Calamba sina Paciano Rizal, Leandro Lopez at Mateo Elejorde. Tahimik na naghahanap-buhay lang ang tatlo. Pero kesyo kalaban din daw sila. ‘Yon ay dahil kuya ni Rizal si Paciano, at mga bayaw niya sina Lopez at Elejorde.
Isa pang bayaw ang inapi. Dalawang beses tinapon sa Bohol si Manuel Hidalgo. Hindi inabisuhan kung ano ang sala niya. Nang pauwiin, namatay siya sa cholera.
Inilibing si Don Manuel sa labas ng sementeryo. Hindi umano siya karapat-dapat ihimlay bilang Katoliko. ‘Yon ay bagama’t pamilya niya ang nagbigay ng lahat ng rebulto sa simbahan, sila ang gumagasta sa mga prusisyon tuwing fiesta, at nag-aabuloy sa lahat ng pakulo ng kura.
Nais ni Moreno ipatapon sila sa Isla Fernando Poe, Indian Ocean.
awa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino; kundi ang panahon at kapalaran ay mangyayari sa kanilang lahat.” (Manunulat 9:11)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).