Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
HINDI kataka-taka na 75% ang approval rating ni President Rody Duterte nang pababa nu’ng Hunyo 2022. Ganundin sina Hitler at Mussolini nu’ng World War II. At sina Vladimir Putin at Xi Jinping ngayon.
Mga populista kasi sila. Inakit nila ang populasyon na pakiramdam ay aping-api ng naghaharing-uri. Iprinisinta ang sarili na tagapagligtas. Kaya maraming tagahanga.
Plataporma ni Hitler na iangat ang Germany mula sa pagkatalo nu’ng World War I. Programa ni Mussolini na imoderno ang mga tren na pinabayaan ng burokrasya. Pangako nina Putin at Xi na ibalik ang lakas at dangal ng Russia at China. Ililigtas umano ni Duterte ang Pilipinas mula sa salot ng droga.
Nilista ni dating Israel Prime Minister Binyamin Netanyahu, isa ring populista, ang mga sikreto ng 15 taong pamumuno. Una, kesyo nasa bingit ng kamatayan ang bansa kaya kailangang isalba kontra sa Iran at Palestine. Si Duterte, kunwari ay kontra oligarko at komunista.
Ikalawa, ani Netanyahu sa autobiography na “Bibi: My Story”, ipakitang walang takot banggain ang presidente ng America. Sa press conferences, diplomasya at pakikiisa sa mga lider Kristiyano, kinontra niya sina mapagtimping Bill Clinton at Barack Obama. Minura sa publiko ni Duterte si Obama. Inilarawan ang pag-masaker ng Amerikano sa mga Moro, pero walang sinabi tungkol sa pagpatay ng mga Kastila at Hapones sa mga Pilipino. Napaniwala ang marami na makabayan siya pero isinuko sa China ang West Philippine Sea.
Ikatlo, tinakot ni Netanyahu ang mga mamamahayag. Si Duterte ipinasara ang higanteng ABS-CBN broadcast network at inihabla si Nobel Peace Prize laureate Maria Ressa.
Sa huli tinanggal sa puwesto si Netanyahu. Si Duterte iniimbestigahan ng International Criminal Court sa pagpatay ng 7,000 drug suspects, at ng World Bank sa katiwalian sa pagbili ng Chinese COVID vaccines mula sa perang inutang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).