WALA man lang water sprinkler sa basement ng Central Post Office (CPO) building, anang Bureau of Fire Protection (BFP). Natupok tuloy ng sunog nu’ng May 22 ang museo ng stamp collection doon. Naglaho rin ang paintings at computer records.
Huwag nang manisi ang BFP. Tanungin na lang ang sarili kung bakit palpak ang proteksyon sa sunog ng CPO atbp. sinaunang gusali.
Tungkulin ng BFP ipatupad ang batas. Hindi lang sunud-sunod na opisyales ng CPO ang nagpabaya. Pati BFP may sala.
Kilala ang BFP sa pagkatiwali at pagka-alisaga. Nangingikil ang mga inspektor nito at sapilitang nagbebenta ng walang kwentang fire extinguishers. Kapag may sunog, nagpapabayad para bombahan ng tubig ang mga nanganganib na bahayan.
Hindi na maibabalik ang nasunog na koleksyon ng stamps mula siglo-1700. Hindi mapapalitan ang mga obra maestra ng mga pintor noon. Pati ang gusali na itinayo bago World War II ay peligroso nang gamitin dahil sa walong oras na sunog.
Monumento ng kabobohan ng gobyerno.
Duda ang marami kung magsisilbing leksyon ito sa opisyales. Ipa-iinspeksyon kaya nila ang mga iba pang sinaunang istruktura: Old Congress, Agriculture-Finance, mga kapitolyo at munisipyo? Titiyakin kaya nila na ang pribadong University of Santo Tomas, mga simbahan at mansyon ay ligtas sa sunog, lindol, baha?
Walang pakialam ang opisyales sa kasaysayan at pamana ng lahi. Inaatupag lang nila ang sariling pag-asenso, kurakot at querida.
Resulta: wala ring kamalayan ang mamamayan sa nakalipas at dangal ng Pilipino. Kamangmangan ang namamayani. Alam ba man lang ng mayorya kung ano ang hitsura ng water sprinkler system?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).