BAKIT ba ‘yang mga sundalo nagreretiro sa edad 40 tapos kumukubra ng pension hanggang edad-90? Singhal ‘yan ni Finance Sec. Ben Diokno sa pagbayad ng P14 bilyon nu’ng first quarter sa 137,649 retirado.
Mali si Diokno. Obligadong pagretiro ng sundalo ay edad-56 o 30 taong serbisyo, anuman ang mas matagal, takda ng PDs 1638 at 1650. Dapat aprubado ang mas maagang pagretiro, at pro rata ang pension. Inalis ang AFP sa GSIS nu’ng 1997; bago nu’n winaldas ng Retirement and Separation Benefits System ang kaltas-sahod nila.
Bingit-buhay 24/7 ang ating mga sundalo. Nagtitiis nang malalayong destino. Mas mabilis maupos ang kanilang katawan, isip at emosyon kaysa ibang kawani ng gobyerno.
Sumuweldo si Diokno ng P41.81 milyon nu’ng 2021 bilang BSP governor. Ani ex-PNP chief Ping Lacson, na nagretirong 4-star general, 18 taong pension niya para matumbasan ang isang taóng kita ni Diokno.
Nasa P56 bilyon ang isang taong pension ng 137,649 retirado. Trenta porsiyento lang ‘yan ng P183-bilyon flood control budget para 2023. Pinaparte ‘yan ng mga mambabatas sa mga pekeng proyekto.
Nu’ng 2019 tinuligsa ni Rep. Rolando Andaya si noo’y DBM Sec. Diokno sa isiningit na P385 milyon para sa isang bayan sa Bicol na hindi binabaha. Ang mayor doon ay amain ng asawa ng anak ni Diokno. Dating kontratista ng DPWH ang mayor. Binigyan ni Diokno ang kompanya ng bukod pang P551-milyong road projects sa joint venture sa isa pang kontratista. Itinanggi ng mayor at ni Diokno ang paratang.
Ani Diokno, pakakaltasan na ni President Marcos Jr. ang suweldo ng sundalo para sa pension. Lalo na’t dinoble na ang suweldong ito. Hindi naman palaangal ang mga sundalo; kinikimkim nila ang hinaing at patuloy lang ang paglaan ng buhay bilang tungkulin. Nakapagtataka lang na hindi inuungkat ni Diokno ang pension ng retirado mula Hudikatura. Hindi binabawas sa suweldo ang pension ng mahistrado.