WALANG duda, aagawin ng China ang Taiwan sa dekadang ito. At para magawa ‘yan magpupuwesto muna ang China ng kandidato nila sa Pilipinas. Bakit? Ipinaliwanag ‘yan kamakailan ni dating US assistant defense secretary at war expert Elbridge Colby sa Stratbase-ADRI.
Isinabatas ng China na tungkulin ng Communist Party bawiin ang “probinsiyang” Taiwan. Saad sa 2005 Anti-Secession Law nila na kung hindi ito madaan sa negosasyon ay palusubin ang People’s Liberation Army. Asahan ito sa 2027-2033, ani Colby. Sakop nu’n ang ika-100 taon anibersaryo ng pagsiklab ng Chinese civil war nu’ng 1928. Tumalilis sa Taiwan ang Kuomintang Party kaya hindi nagapi ng komunista.
Isandaang kilometro lang ang pagitan ng Batanes at Taiwan. Kailangang mailayo ng China ang Pilipinas mula sa kaibigang America. Ito’y para hindi magamit ng America ang Luzon bilang pahingahan at bilihan ng supply sa pagtatanggol sa Taiwan.
Kokontrolin ng China ang pinuno ng Pilipinas. Bilang tuta nila, haharangin ng pinuno ang pagtulong ng America sa depensa ng Taiwan.
Pinopondohan ng China ang kandidatong pinuno sa Pilipinas. Ginawa na nila ito sa ilang mambabatas sa Australia at New Zealand, at gobernador sa America. Ang P1-bilyong kontribusyon ng China sa kandidato ay $20 milyon lang. Ga-patak lang ‘yan sa balde-baldeng dolyar na kinita nila sa Pharmally pandemic supplies at bakuna.
Para sa China, bonus ang Pilipinas sa pag-agaw nila sa Taiwan.
Dati nang tinututa ng China ang pinuno ng Pilipinas. Nu’ng 2005 nagpautang ito ng $4 bilyon. Bahala na ang pinuno kung para ano’ng proyekto at magkano ang iki-kickback basta magbayad lang. Naisingit ang $330-milyon National Broadband Network-ZTE deal na may $200 milyong «tong-pats». Nu’ng 2017 pinayagan ng pinuno na mangisda ang Chinese sa dagat ng Pilipinas maski labag sa Konstitusyon.
Kaya huwag na huwag tayong maghahalal ng kandidato ng China.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).