Ngayon pa lang bumubuwelo na ang China para agawin ang Philippine Rise sa silangang dagat natin. Dineklara ng United Nations nu’ng 2012 na extended continental shelf natin ang 13-milyong ektaryang karagatan. Bukod ito sa 200-milyang exclusive economic zone natin sa East Philippine Sea. Pero nag-survey ang China sa Philippine Rise nu’ng 2018 nang walang pahintulot natin. Pinangalanan ng salitang Intsik ang limang features doon na mayaman sa minerals. At dahil doon, kanila na raw ang mga ito. Regular ang patrolya ng Chinese warships sa pook.
Noon pang 1986 binalak ng China agawin ang Philippine Rise na dating tawag ay Benham Rise. Bahagi ito ng kanilang Second Island Chain of Defense mula silangan ng Japan, Taiwan, Pilipinas hanggang Papua New Guinea. Meron din silang First Island Chain of Defense mula kanluran ng Japan, Okinawa, Taiwan, Luzon, hanggang Palawan. Batay daw ito sa historical right na kanila ang buong South China Sea, sakop ang mga dagat ng Vietnam, Malaysia, Brunei at West Philippine Sea. Labag ito sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea. Pumirma ang China at ang mga kapit-bansa sa UNCLOS.
Pinag-aalab ng Chinese Communist Party ang damdaming nasyonalismo sa mamamayan nila. Binubulag ang mga Chinese sa paniniwalang kanila nga ang dagat maski walang batayan at labag sa international law. Nauuto sila dahil sa kayabangang umuunlad ang kanilang ekonomiya at lumalakas ang People’s Liberation Army. Hindi nila batid na kinamumuhian na sila ng mundo. Sa panlulupig ng West at East Philippine Sea patungo ang China kaya dapat sa pagdepensa nito patungo tayong mga Pilipino. Ilantad ang kanilang masamang balakin. Isuka ang mga traydor na lider natin. Patatagin ang ating Armed Forces at relasyon sa mga ibang bansa. Huwag sanang mahalal ang mga bistadong kandidato ng China para presidente, VP, senador, congressman at governor. Kundi, maglalaho ang Pilipinas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).