Malamya ang tugon ng National Telecommunications Commission kontra sa pagdagsa ng text scams. Sabi nito sa publiko, huwag na lang daw pansinin ang mga dumadagsang text mula sa kung sinu-sino na nag-aalok ng pekeng investment, produkto, serbisyo, utang, premyo, trabaho o charity. Dahil mula sa mga ‘di-kilalang mobile numbers ang text offers, alam na raw natin na malamang na panloloko ito, kaya i-delete na lang imbis na basahin – baka mabiktima pa ng panlalansi.
Wala bang silbi ang NTC? Parang sinasabi na dahil halata namang holdaper ang aali-aligid sa iyo sa plaza o mall o restoran, lumayo ka na lang. Hindi man lang sinisikap ng NTC na lutasin ang problema na marami talagang nabibiktima ng matatamis na salita ng scammers.
Matagal nang pinanukala na obligahin lahat ng mobile service providers at subscribers na irehistro ang mga SIM sa totoong pangalan at address, walang exemption, walang palu-palusot, walang palakasan. Sa gan’ung paraan makikilala agad ang text scammer.
Padaliin din sana ng NTC ang proseso ng pag-report ng junk texts at scammers. Sa sobrang hirap nawawalan ng gana mag-file ng report ang mga mamamayan na nais tumulong labanan ang salot. Kung merong otomatikong “Report Junk” para sa email, meron din dapat bersiyon para sa text.
Obligahin din ang mga lehitimong negosyong nag-aalok gamit ang text na irehistro ang kanilang SIM sa espesyal na talaan. May teknolohiya na kapag nag-text ang negosyante, lalabas ang pangalan niya o ng kompanya, adress, numero ng rehistro at sertipiko na matino siya. Kung hindi rehistrado ang numero at ni-report ito ng publiko, agad dapat itong i-block ng NTC. At utusan ang Globe, Smart, Sun, o Dito na patayin ang SIM ng palsipikadong nag-aalok. E di tapos siya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).