Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
HINDI basta mainit kundi nakakapaso ang summer sa Europe, North America at northern China nitong 2022. Pumatay ang heat waves ng mahigit isang libo sa Portugal at isang dosena sa Spain. Daan-daan ang naospital sa Britain, Netherlands at Scandinavia nang pumalo sa mahigit 40º C ang temperatura. Sabay-sabay ang maraming bushfires.
Natauhan ang Kanluran sa katotohanan ng climate change. Ngayon lang nila dinanas ang ganitong nakakadarang na summer. Dati-rati tatlong araw sa isang taon sila nakakaramdam ng labis na init. Nitong 2022, tatlong linggo sila naprito. Naging usap-usapan sa mga pamilya ang masamang epekto ng carbon emissions. Inaasahang uulit-ulit ito sa mga darating na taon.
Sa mga bansang malapit sa equator, tulad ng Pilipinas, dekada nang umaangal sa global warming. Ang epekto nito ay labis na tagtuyo at bagyo. Hindi na malaman ng mga magsasaka kung kailan dapat magtanim. Nahihilo ang mangingisda sa pag-init ng tubig-dagat dulot ng bagong klima. Bagsak tuloy ang ani at huli. Gutom ang mga tao. Mas maraming namamatay sa init.
Mahihirap ang mga bansang malapit sa equator. Ang karaniwang kita sa isang buwan ay isang maghapon lang sa Kanluran. Kaya walang pambili ng air-con ang Asians, Africans at South Americans. Kung may air-con man sila, lalong lalala ang climate change. Lalamig nga ang mga kuwarto pero mas maraming petrolyo ang makokonsumo para gumawa ng kuryente at air-con units. Lalong wasak ang kalikasan.
Sa Kanluran ang malalaking industriya—malalaking sanhi rin ng global warming. Mas maraming pabrika, kotse, gusali at kagamitan sa bahay na gumugugol ng petrolyo, nagpapausok, at nagpapainit. Gusto ng Kanluran magtiis ang mas malaking populasyon sa equator para komportable sila. Ngayon batid nila na maski nagtitiis ang iba, hagip na rin sila ng krisis. Sana kumilos na sila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).