MALAKING hamon sa Simbahang Katoliko kung paano ibabalik ang mga deboto sa pisikal na Misa. Nasanay na sila sa online Mass nu’ng pandemya, pero hindi pa rin dumadalo sa simbahan ngayong humupa na ang COVID-19. Hinaing ‘yan ni Fr. Aris Sison, cura ng St. John Paul II Parish, Quezon City.
Taliwas ang pananaw nina Fr. Douglas Badong, Quiapo Church vicar at Fr. Jerome Secillano, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines executive director. Mas mahirap daw pasalihin ang tao sa Misa online man o aktuwal. Pero nagkakaisa ang tatlo na naging daan ng family bonding ang online mass nitong 21/2 taon. Salita ng Diyos sa online ang pinaghalawan ng deboto ng inspirasyon sa gitna ng takot.
Tungkulin ng mga obispo ipabatid ang kahalagahan ng sampalataya. Maraming nawalan ng tiwala nang magtahimik ang CBCP sa panlalait ni President Rody Duterte sa Diyos at doktrinang Katoliko nu’ng 2016-2022. Isang dosena lang sa 128 na obispo ang tumuligsa sa pagpatay ng 7,000 suspected pushers sa madugong drug war ni Duterte. Tameme ang CBCP sa kabastusan at pambubulaan ng maraming admin candidates nu’ng Halalan 2022.
Nu’ng pangulohan ni Gloria Macapagal Arroyo nabisto ang lima sa maraming obispong sinuhulan ng Malacañang ng Pajero para maging maka-admin. Marurupok sila. Nu’ng pangulohan ni Noynoy Aquino pinagtulungan ng mga obispo siraan ang Reproductive Health bill; kesyo raw abortion ang contraception, at tuturuan magtalik ang mga 4th graders. Lumabas ang totoo nu’ng pangulohan ni Duterte; duwag ang mga obispo kapag nakatapat ng bully.
Mas pinoproblema ng maraming obispo ang pagbagsak ng koleksiyon ng diocese kaysa pananampalataya. Oo nga’t tungkulin nila mangalap at mag-audit ng pondo, pero mas mahalaga ang pagpastol sa tao. Nalulungkot si “running priest” Fr. Robert Reyes, cura ng Immaculate Conception Parish, QC, na nagkukulang ang mga obispo sa gan’ung misyon.
Magbabalik-loob ang tao kung mabisa ang pamumuno ng CBCP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).