Dapat linisin ng Comelec ang mga talaan ng botante sa darating na barangay elections. Maraming naulat na nagrehistrong “flying voters”. Ibu-bus sila sa iba’t ibang barangay para bumoto sa mga piling kapitan.
Malaking raket ang naganap nu’ng Enero sa isang barangay sa Metro Manila. Humakot ang isang malaking negosyante ng 4,000 na taga-ibang pook para magrehistro sa naturang barangay. Binayaran sila ng tig-P1,000, o P4 milyon para sa lahat. Kahindik-hindik na mas marami pang flying voters ngayon kaysa 3,000 na totoong residenteng botante sa barangay na ‘yon.
Ano’ng interes ng malaking negosyante sa munting barangay? Sagot: “Class-A” kontratista siya ng Dept. of Public Works and Highways. Maari siyang kumontrata ng mahigit P100 milyon. Sa tubo na 10-15% bawat kontrata, tutubo siya ng P10-P15 milyon.
Dahil sa “Mandanas ruling” kamakailan ng Korte Suprema, tataas ng 27% ang Internal Revenue Allotments ng mga probinsya, lungsod at barangay. Bilyon o daan-milyong pisong taunang dagdag na biyaya mula sa national government. Tiba-tiba ang mga kontratista.
Hayagang kwalipikasyon ng kontratista ng DPWH ang kakayahang tumapos ng proyekto at dami ng ekwipo. Sikretong kwalipikasyon ang pagbigay ng suhol sa DPWH. Mas malaking proyekto, mas malaking suhol.
Maliit ang halagang P4 milyon para sa Class-A contractor na naghakot ng fake registrants nu’ng Enero. Sa araw ng halalan hahakutin at babayaran niya sila muli para bumoto sa iba’t ibang barangay. Ipapanalo niya ang mga kasapakat na kandidato.
Sa mga darating na proyekto niya roon ipapa-certify niya sa barangay na tapos na ang trabaho—maski hindi. Sisingil siya sa DPWH. Kawawang mga residente sa barangay. Kawawang nagbabayad ng buwis. Magdudusa sila sa palpak na kalsada, tulay, eskwelahan at gym.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).