ISANG Indian company ang kinontrata ng gobyerno para sa National Identification System. Sa halagang P30 bilyon nu’ng 2019 igagawa dapat ng plastic ID card bawat mamamayan sa noo’y populasyong 104 milyon.
Lalamanin ng bawat card ang personal data: buong pangalan, araw at lugar ng kapanganakan, kasarian, blood type, tirahan, nasyonalidad o resident alien, civil status, mobile number, email address. Naka-embed din dapat ang biometrics: litrato ng mukha, kumpletong fingerprints, iris scan.
Sinimulan nu’ng 2021 ilista ang mga mayor de edad sa mga barangay. Sabi ng mga taga-gobyerno, ipapa-deliver na lang ang ID cards sa kani-kaniyang tirahan.
Mahigit dalawang taon inabot ang paggawa at delivery. Hindi plastic cards ang dumating. Papel na photocopy lang. Walang embedded computer chip. Nabubura ang litrato. May instruction ang gobyerno na gupitin at ipa-laminate ang papel na ID. Kanya-kanyang gastos.
Halatang may katiwaliang naganap. Dapat ibitay nang patiwarik ang kontratista at nag-aprubang opisyal. Malamang binulsa nila ang budget na P25 kada plastic card at computer chip. Walang saysay ang PhilSys card kahit sino puwedeng imbentuhin ang ID niya. Mainam ito para sa mga terorista at criminal. Magdurusa ang taong bayan sa raket.
Napag-alaman ko na nag-bid din ang isang European firm para sa PhilSys. Halagang $16 milyon lang o P800 milyon—wala pang P1 bilyon. Konting pagpapalista lang sana ang gagawin nila. Karamihan ng datos ay kukunin sa SSS, GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG, LTO driver’s license, Comelec voter’s registry, at barangay.
Hindi kinontrata ang mura pero eksperyensadong kompanya. Ayaw kasi nitong manuhol. Ganyan sa gobyerno natin.