BABALA: nagnanakaw ang China ng impormasyong personal, sikretong pang-negosyo, at computer files ng mga NGO sa lahat ng bansa. Bukod ito sa pag-eespiya sa militar ng mga katunggali (na ginagawa rin ng America, Russia at mga bansang Europe). Ang pagha-hack ng China ng computers ay para makalikom ng impormasyon tungkol sa mga indibidwal at grupo. Ang mga natatalisod na kaalaman at sikretong industriya ay ipinapasa ng China sa mga kompanya ng gobyerno.
Biniktima nu’ng 2021 ang libu-libong servers ng Microsoft sa mundo. Hanggang ngayon, hina-hack pa rin ang Microsoft Windows operating systems. Natukoy na ang nagpapakana nito ay ang China Ministry of State Security. Nagmamaang-maangan ang MSS. Nagkasundo kasi nu’ng 2015 sina Pesident Xi Jinping at noo’y US President Barack Obama na huwag pahintulutan ang industrial espionage para pagkitaan. Pero walang isang salita ang Komunistang China. Paborito ring targetin ang media sa India at Afghanistan.
Umuupa ang malalaking kompanya ng cybersecurity experts. Nadiskubre ng mga tanod na ito na Chinese hackers ang may sala. Malimit targetin ang mga kompanyang nasa aviation, nuclear at solar power, espesyal na bakal, pharmaceuticals – pati paggawa ng bakuna. Malaking isyu ang hacking na ginawa sa General Electric sa America. Marami nang inihabla ang Federal Bureau of Investigation.
Patuloy na nagre-recruit ang MSS ng daan-libong hackers. Nagtatag pa sa Wuhan ng eskuwela para rito: ang National Cybersecurity Center. Ang campus ay 4,000 ektarya sa ilalim ng Chinese Communist Party-Cyberspace Affairs Commission. Ang unang 1,300 na trainees ay ga-graduate ngayong 2022. Ikakalat sila sa mga opisina ng MSS. Sasalain nila ang mga nakaw na data para ibigay sa tamang state corporation.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).