Ikatlong pinakamahusay na bigas sa mundo ang Renucci Rice ng Leyte. Huli ito naisipan isali sa World Rice Conference sa Makati, Nov. 2019. Ganunpaman, dinaig niya ang 27 ibang uri ng bigas sa hitsura, hibla, moisture, bango at haba ng butil. Ang dumaig lang dito ay Thailand at Vietnam na dalawang taon naghanda. Kauna-unahan para sa Pilipinas ang tagumpay ng Renucci Rice.
Nabanggit ang Pilipinas sa conference dahil lang pinaka-malaking importer ng bigas – 3-milyon tonelada kada taon – mula Thailand, Vietnam, India, China, Japan, America. “Kaya mas matamis ang panalo namin,” ani Rachel Renucci-Tan, co-founder ng Chen Yi Agventures. Katotodo-operasyon pa lang ng kumpanya apat na buwan bago nu’n. Ni walang Dalisay brand nila na bitbit si Rachel. Bumili lang siya ng dalawang kilo sa malapit na tindahan para i-eksibit at lutuin.
Aksidente lang din ang pagpasok sa pagpapalay ni Rachel, na tubong-Makati. Namamahala siya ng $1-bilyong real estate investment sa Paris at malaking printer sa Europe ang asawang Patrick Renucci nang wasakin ng Super Typhoon Yolanda ang Visayas nu’ng 2013. Dali-dali sila lumipad sa Leyte para agaran at pang-matagalan tumulong. Wala silang kilala roon. Limang taon silang nagkawanggawa. Paikot-ikot sa isla, nabatid nila na puro palayan at karalitaan doon. Sumibol ang kanilang misyon na iangat ang mga magsasaka.
Nag-survey si Patrick ng 4,000 magsasaka sa bayan ng Alangalang. Naanalisa niya ang tatlong magkakabuhol na isyu. Una, baon sila sa utang. Humihiram ng puhunan, nagbabayad at nagbebenta ng ani sa trader, walang natitira sa bulsa. Ikalawa, binabalewala nila ang kalidad ng binhi. Imbis gumamit ng certified seeds, itinatanim ang binhi ng nakalipas na ani, kaya pabawas nang pabawas ang bunga. Ikatlo, wala nang gustong magsaka. Sa opisina nagtatrabaho ang may-ari ng lupa. Walang insentibo ang tagabantay palaguin ang ani. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).