Halos magkasinglaki ang Venus at Earth. Parehong nabuo sa naghalong elemento. Pero sa 4.5 bilyong taon ng Earth, mas matagal itong basa at presko. Parang oven ang Venus, 450º Centigrade.
Mas malapit ang Venus sa araw at dobleng liwanag doon. Pero hindi ‘yon ang dahilan sa matinding init. Mabagal ang rotation nito sa axis; katumbas ng 117 Earth days ang isang araw sa Venus. Kung maraming dagat at kasing-basa ng Earth ang Venus, magbubunsod ang mahabang araw doon ng makakapal na ulap at lalamig din. Makukubli ang surface at hindi kukulo at sisingaw ang dagat nito.
May ebidensiya nga na naglaho sa init ang dagat sa Venus, ulat ng Economist. May bakas na tinangay ng malakas na tubig ang pinaka-matatandang bato doon. Ang paligid na hangin ay tadtad ng deuterium (H3O). Hydrogen isotope ito sa malalalim na bahagi ng dagat sa Earth, tulad ng Philippine Trench. Ipinapalagay ng scientists na daan-daang metrong lalim ang mga dating dagat doon.
Batay dito, kinalkula ni Dr. Michael Way ng NASA na dati ngang banayad ang temperatura sa Venus. Kaya lang may masamang nangyari.
Dinagdag nina Drs. Richard Ernst ng Carleton University-Ottawa at Jeffrey Scargle ng NASA ang sariling saliksik. Ang malalakas na sabog-bulkan sa Earth ay bumubuga ng labis na carbon dioxide. Pinakamatindi rito ay naganap 252-milyong taon noon at pumatay sa halos lahat ng hayop. Isa pang sabog-bulkan 66-milyong taon noon ang tumodas sa dinosaurs.
Pinagsanib ng tatlo ang pag-aaral. Kung nagkasabay ang dalawa o tatlong malalaking sabog-bulkan, mapupuno ng CO2 ang hangin at tataas ang temperature ng 10-15º C. Magbubunsod ito ng iba pang sabog. Sisingaw ang tubig, dadagdag ang vapor sa greenhouse gas, lalo pang iinit. Matutuyot din ang Earth na parang pugon.
Pag-aaralan din kaya ng Martians kung paano namatay ang Earth?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).