
Photo from Wikipedia
Mga babae ang nag-aangat ng kalahati ng langit, ani Mao Zedong. Pagpugay ‘yon sa papel ng mga babae sa lipunan. Papuri rin sa mga babae sa kaniyang rebolusyong Komunista. Kaalyado niya si Soong Ching-ling, asawa ni Sun Yat-sen na nagpatalsik sa huling emperador at naging unang Presidente ng China. Mataas ang posisyon sa China Communist Party ni Jiang Jing, ika-apat na asawa ni Mao.
Propaganda lang ang lahat para sa CCP. Nu’ng manalo si Chairman Mao sa rebolusyon kontra Kuomintang nu’ng 1949, nagpatupad siya ng one-child policy sa mga pamilya. Nilimita ang mga misis sa iisang anak lang. Malaki ang multa kung madagdagan ito. Nu’ng Cultural Revolution, 1966-1976, pinatay ng mga pantikong Red Guards ni Mao ang mga misis at sanggol ng mga hindi makabayad ng multa. Milyon-milyon ang biktima.
Nakasira sa demographics ang one-child policy. Mas pinili ng karamihan ng mga mag-asawa ang sanggol na lalaki. Pinapatay ang mga babaeng fetus. Nagka-krisis sa ekonomiya dahil mas marami nang senior citizens kaysa mga batang manggagawa na nagtutustos ng pension nila.
Inalis ni Chairman Xi Jinping ang one-child policy nu’ng 2016. Payag na sa dalawang anak. Nu’ng 2021 tatlong anak na ang limitasyon.
Akala ng kababaihang Chinese ay malaya na sila. Hindi pala.
Estado pa rin ang may-ari ng katawan ng mga babae. Mahigpit ang CCP kontra feminism. Kabilang doon ang pagiging aktibista ng mga babae, paggiit ng pagka-pantay sa kalalakihan, at pananamit at pagpoposturang Kanluranin. Kinukunsinti ang pagmamaliit ng mga male chauvinists sa kababaihan: kesyo pambahay lang sila.
Resulta: Sa 2027 mas marami ng 22.5 milyon ang mga lalaking maaring mag-asawa sa edad 22, kaysa mga babae mula edad 20. Galit sa CCP ang kalalakihan. Bwisit ang kababaihan sa mga lalaki. Lalo na’t mas marami ng 21% ng babae ang nakakatuntong ng kolehiyo kaysa lalaki.