MAGKAKAMBAL na krisis sa pag-aaral at nutrisyon. Kulelat ang mag-aaral natin, edad 9 at 14, sa Math, Science at Reading Comprehension. Kumpara ‘yan sa 82 bansa sa apat na eksamen nu’ng 2013-2020.
Mapurol ang utak kung kulang sa iodine ang bata. Mahina ang katawan kung kapos sa protein at fat. Dalawa sa bawat limang kindergartners ang undernourished: payat, bansot, putot. Apat na milyong bata sa Grades 1-3 ang pumapasok nang gutom. Umaasa sila sa feeding program ng paaralan para maintindihan ang mga leksiyon. Nawalan ng libreng pakain nitong pandemya dahil walang pasok.
Kritikal ang wastong nutrisyon sa unang 1,000 araw ng bata, mula ipagbuntis hanggang edad 3. Dito ang panimula sa iodine, protein at vitamins. Pagpasok sa kindergarten handa na ang utak at katawan.
Tuluy-tuloy dapat ang wastong pagkain. Nu’ng 2018 sinukat ng China at India ang mga edad 16 nila at ikinumpara sa nu’ng dekada-1960, kalahating siglo noon. Sa China tumangkad ang mga lalaki nang 2.75 inches at mga babae nang two inches ngayon. Halos pareho sa mayayamang states sa India. Rason: sa pag-unlad ng kabuhayan ay lumago ang kita at produksiyon ng pagkain. Napakain ang mga bata ng karne. At habang lumalaki napag-gatas sila ng baka, kambing at kalabaw. Tumalas ang utak para maging engineers, technologists, at scientists.
Pamarisan natin ‘yon. Maraming pastulan sa kapuluan. Maituturo ang pagpapalaki at pagpaparami ng cattle at livestock. Mapapaghalo ang luma at modernong teknolohiya para sumustansiya ang pagkain ng lahat. Tatangkad, tatalas ang Pilipino.
Mahalaga ang political will. Humalal ng lider na may vision. Huwag pipitsuging meyor na sa loob ng 23 taon ay wala ni isang paaralan at pamantasang-lungsod na naitatag. Huwag ‘yung hindi gagap ang magkakambal na isyung pag-aaral at nutrisyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).