Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
BINUHAY sa meme ang polyeto nu’ng 2016 presidential campaign na “Platform of Government-Rodrigo Roa Duterte”. Detalyado ang “15-Point Legacy Agenda”. Tiyak nakaakit ito ng boto. Pinangakong burado sa 2016 ang kriminalidad, katiwalian, droga at human trafficking. Sa 2017 latag ang katarungang panlipunan, reporma sa hudikatura, global connectivity, at anti-climate change. Sa 2018, alis ang political turncoat-ism at dynasties, insurgency, at karalitaan – para sa pambansang pagkakaisa. At sa 2019, wala nang trapik sa mga metropolises, bagong anyo ng gobyerno, at economic power na tayo sa Asya.
Pero sa meme minarkahan ng pulang “X” ang bawat 15 punto at kinomentaryohan: “2020 na!” At pahabol: “-9.5% GDP decline pa!”
Nu’ng Mayo iginiit ni President Duterte na ang “jet ski promise” niya na itatanim ang bandila ng Pilipinas sa Scarborough Shoal kontra sa China ay “purong biro lang”, at ang naniwala sa kanya ay mga “tanga”. Aniya: “Panahon ‘yan sa kampanya ‘yan. At saka ‘yung biro na ‘yun, ‘yung bravado ko, it was a pure campaign joke, at kung naniniwala kayo sa kabila, I would say you are really stupid.”
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Labing-anim na milyon ang bumoto kay Duterte nu’ng 2016 dahil sa 15 plataporma at sa salita niya sa pang-aagaw ng China ng karagatan natin. Hindi pa natutupad ang 15 agenda; umatras pa sa China.
Isa si mangingisdang Carlo Montehermozo ng Infanta, Pangasinan sa mga humalal kay Duterte. Siya ang nagtanong nu’ng 2016 presidential debates kung ano ang gagawin niya para sa kanila. Ngayon masama ang loob niya na “joke lang lahat” at sila ay “tanga”. Napaniwala sila, aniya.
Ani Magdalo Rep. Manuel Cabochan: “Hindi tanga ang Pilipino. Nalinlang ng big time ni Duterte ang 16M bumoto sa kanya. Sadyang nagbulaan si Duterte sa tao. Ipinagkanulo niya ang tiwala nila. Pakiusap lang, huwag sila laitin sa bansag na tanga. Magaling lang manloko si Duterte. Nahihirapan na nga ang taumbayan, niloko na, kukutyain pa.”
