Pitong trilyong piso ang inutang ng Duterte admin nu’ng 2016-2022. Bulto nu’n ay nu’ng pandemya, 2020-2022. Dahil sa malawakang lockdowns imbis na kalye-kalye lang, bumagsak ang ekonomiya at wala halos koleksyong buwis ang gobyerno.
Bago ‘yon may utang ng P6 trilyon ang gobyerno mula 1969 hanggang 2016. Mahigit dumoble ito sa P13 trilyon dahil sa P7 trilyon ng Duterte admin.
Pinagbabayaran nating 110 milyong Pilipino ang P13 trilyon na ‘yon. Kumbaga, nakasangla bawat isa—sanggol man o middle aged o centenarian—nang tig-P118 thousand.
Ito ang masaklap: bahagi ng inutang ay ninakaw ng mga kawatan. Yumaman ang iilan habang nagdurusa ang karamihan. Ilang ehemplo ng pandarambong:
• P2.4 bilyon sa laptops ng mga guro. Imbis na P32 thousand bawat isa na aprubadong budget, P58 thousand ang ibinayad ng Procurement Service-Dept. of Budget and Management. Mabagal at mababa ang kapasidad ng laptops. Hindi nagamit ng public school teachers para sa online classes. Napulpol ang utak ng mga estudyante.
• P42 bilyon sa pandemic supplies. Nabisto sa senado na overpriced ang face shields, masks, thermometers at personal protective equipment na binili ng PS-DBM. Bahagi nu’n ay binili sa Pharmally ni Chinese businessman Michael Yang, kaibigan ni President Rody Duterte sa Davao City.
• Bilyun-bilyong piso na ngayon pa lang nadidiskubre. Binayaran ang China para sa mga tren ng MRT-3 na hindi naman magamit dahil substandard. Hindi kinolektang buwis sa agricultural imports at smuggling; bumaba nga ang presyo ng pagkain, pero nalugi ang magtatanim, mangingisda at maghahayop.
Tugisin dapat ang mga kawatan at bawiin ang kanilang dinambong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).