HINDI lang Department of Health ang nagpabili ng mga espesyal na supplies sa Procurement Service-Department of Budget and Management. Pati Department of Education nagbayad ng 4% service fee sa PS-DBM para sa kagamitan na wala naman alam ang huli. Nabisto ng Senado na ang P42 bilyong ibinigay ng DOH sa PS-DBM ay nawaldas sa overpriced at low quality pandemic gear. Atrasado ang delivery ng P5.53 bilyong computers, learning materials at librong ipinaubaya ng DepEd sa PS-DBM.
Ang 39,000 laptops para sa public school teachers ay binili ng PS-DBM sa mas mahal na bidder. Ang P2.3 bilyon kontrata ay mahal nang P167 milyon kaysa lowest bidder, anang Commission on Audit.
Mali-mali ang mga libro at printed materials na ipinamahagi ng DepEd. Nabisto ni private educator Dr. Antonio Calipjo Go ang mga walang batayan at malaswang itinuturo sa elementary schoolchildren.
Uutang na naman ang DepEd sa World Bank ng $110 million — P5.6 bilyon — ngayong 2022. Ang pondo ay para raw pasiglahin ang alternative learning program habang pandemya. Ito’y bagama’t natuklasan ng WB na siyam sa sampung mag-aaral na Pilipino ay hindi pa alam ang dapat na naituro sa grade levels nila. Ganyan kapalpak ang edukasyon miski taun-taon nagpapautang ang WB. Tanong ni Dr. Go: Alam ba ng WB na ang ipinapautang nito ay ipinapaubaya lang ng DepEd sa maanomalya at ‘di-marunong na PS-DBM?
Napansin ng COA na hindi nagasta ng DepEd ang P1.03 bilyon na inutang sa WB nu’ng 2019 para sa textbooks at instructional materials. Alam na ba ito ng WB? Kung oo, bakit patuloy itong nagpapautang sa isang hindi marunong gumasta, tanong ni Dr. Go.
Dapat payuhan ang DepEd ng private sector tulad ng NGO na Philippine Business for Education kung paano ang tamang paggasta. Ang mga pribadong kompanya na miyembro ng PBEd ay may sari-saring programang pang-mag-aaral. Episyente sila sa pondo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).