Nag-budget ang mga kongresista ng P183 bilyong flood controls nitong 2023. Kukupitin nila ito. Walang magaganap na dredging ng ilog o pagtayo ng dam. Sa tag-ulan, libu-libo na namang bahay at tindahan ang babahain; milyong tao ang masasalanta; daan-daan ang mamamatay.
Ang pork barrels ng mga kongresista ay nakapaloob sa Flood Management Programs (FMP). Hindi titiyakin ng state auditors kung totoong may inalis na putik o basura sa ilog. Paparti-partihin lang ang P183 bilyon ng mga taga-super majority sa House of Reps. Mas malapit sa pamunuan, mas malaki ang parte. Bilang pakisama, bibigyan din ang ilang taga-mini minority.
Isiningit ang P183-bilyong FMP sa budget ng Department of Public Works and Highways. Ni-negotiate ng mga kongresista ang kani-kanilang FMP nu’ng budget hearings, Oct.-Nov. 2022. DPWH regional directors at district engineers lang ang nakakaalam kung magkano eksakto ang mapupunta sa bawat kongresista. Bawat engineering district ay binubuo ng isa o mahigit na congressional districts.
Isinisingit taun-taon ang FMP mula nang ibalik ang Kongreso nu’ng 1987. Ninakaw lang ang trilyon-pisong FMP nitong nakaraang 35 taon. Hindi nabawasan ang baha. Lumaganap at lumalim pa nga.
Tuwang-tuwa ang mga kongresista sa delubyo sa mga bahayan at bukirin. Palusot ito para sa mas malalaking FMP sa susunod na taon.
Lumolobo ang FMP ng kongresista habang lumalawig ang termino. At mas lumalaki pa sa pagmana sa congressional seat ng asawa, anak, kapatid, magulang. Habang may political dynasties, merong pekeng flood controls. Tumitiba sila sa pagdurusa ng taumbayan.
Buo-buong daang-milyon, walang barya o detalye, ang FMP ng bawat kongresista. Usisain sila kung saang proyekto talaga ito itinustos. Alamin ang parte nila sa: https://www.dbm.gov.ph/index.php/budget-documents/2023/general-appropriations-act-fy-2023/gaa-volume-ib
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).