AGHAM ang gagamitin sa pamamahala ng agrikultura, pangako ni President Bongbong Marcos Jr. Kung ganun, dapat suriin ang mga dahilan sa bagsak na ani ng tanim, manok, baboy at isda.
Una ang mga sitwasyong bumabayo sa magsasaka, mangingisda at maghahayop. Sobrang mahal ng gasolina at enerhiya. Krudo ang 50% ng gastos sa pangingisda at kuryente sa manukan; 20% sa sakahan. Bukod pa ang transportasyon sa lupa at dagat. Dahil hindi makayanan ang gastos, nag-iiba na lang sila ng hanapbuhay.
Ginulo ng Ukraine war ang supply ng nitrogen mula natural gas. Nagmahal nang apat na beses ang nitrogen fertilizer. Kinapos naman ang potassium at phosphate. Dahil bawas ang paggamit ng pataba, bawas din ang ani.
Nagmahal ang imported inputs nang bumaba ang halaga ng piso.
Ikalawa ang sakit. Kumakalat pa rin ang African Swine Fever at bird flu. Kapos ang pera ng gobyerno sa pagbili at paglibing ng may sakit na hayop kaya ipinupuslit ito sa palengke.
Ikatlo ang panahon. Hindi maiwasan ng magtatanim at fishpond owners ang bagyo at baha. Kalahati ng taon sila pinipinsala ng sobrang tubig. Kalahati ng taon naman ang tagtuyot. Dahil sa sobrang init at kakapusan ng mais, nabansot ang mga manok. Pati chicken restaurants walang maibenta.
Malimit ang lindol. Nabubulabog ang mga bakahan at kambingan. Tuwing umaaktibo ang mga bulkang Taal, Mayon at Bulusan, napipilitan lumikas ang fishpen owners sa mga lawa.
Ikaapat ang maling patakaran. Puro import ng bigas, mais, gulay, prutas, asukal, isda, manok, baboy. Hindi matigil ang agri-smuggling. Nalulugi, nawawalan ng gana ang mga lokal.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).