NU’NG nakaraang admin magkabangga ang Department of Agriculture at ang mga magtatanim at maghahayop. Kuwento ‘yan ni Rene Cerilla, policy advocacy officer ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka.
Parating nagpapa-import ng pagkaing dagat ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Binabalewala ang datos ng maliliit na mangingisda, commercial fishers at nagpapalaki ng bangus at tilapia na sapat naman ang domestic supply. Nagpasok pa rin ng galunggong, mackerel, tulingan, sardinas at bonito. Duty-free pa man din.
Pareho ang Bureau of Animal Industry. Nagpa-import ng baboy at manok para raw magmura ang bilihin. Pero binabaan ang import tariffs. Wala tuloy nakolektang pambili ng may sakit na African Swine Fever at bird flu para ibaon. Nalugi ang mga magbababoy at magmamanok.
Nagpa-import din ang Bureau of Plant Industry at Sugar Regulatory Administration. Nalugi at nawalan ng gana ang mga maggugulay, magpuprutas, magmamais, magpapalay, magtutubo. Lalo tayo naging kapos sa lahat ng pananim.
Bakit gan’un? Para kasi sa DA, mga inaayudahan lang at hindi katuwang sa agrikultura ang magtatanim, mangingisda at maghahayop, ani Cerilla. Kumbaga pabigat lang ang domestic food producers.
Magkasalungat din ang depinisyon ng dalawang panig sa “food security”. Para sa huli dapat may labis na produksyon para sapat ang pagkain at may ma-export pa. Para sa DA “food availability” lang ang kailangan. Ang problema, dahil sa giyera at climate change, nagka-shortage ngayon sa pagkain ang mga binibilhan ng Pilipinas. Nagmahal pa ang krudo. Kaya heto, mahal at kapos ang pagkain natin.
Magbago na sana ang DA. Huwag na magpatuta sa World Trade Organization. Protektahan ang lokal, nina Bong Inciong ng United Broiler Raisers Association, Manuel Lamata ng United Sugar Producers Federation, aquaculturist Norbert Chingcuanco at Rep. Nikki Briones.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).