MALIMIT mag-press release ang Bureau of Customs na nakasabat sila ng smuggled agricultural products. Ehemplo ang 21 cargo containers ng puting sibuyas na ipinuslit sa Port of Cagayan de Oro noong Hulyo-Setyembre 2022. Kunwari siopao buns at lumpia wrappers ang kargamento; ‘yun pala tig-28 toneladang sibuyas, halagang P3 milyon kada container. Kabuuang P63 milyon ang kontrabando.
Ehemplo rin ang P20.193 milyong frozen carrots, at pula at puting sibuyas na ipinuslit sa port of Subic noong Disyembre 2022.
Ayon sa batas, dapat i-condemn at wasakin agad ang smuggled na sariwang pagkain. Kasi wala itong sanitary/phytosanitary inspection certificates ng Bureau of Plant Industry.
Malamang may nakakalasong kemikal ang gulay, prutas, isda, manok, at karne. Maari ring may pesteng insekto o organismo, E. coli mula sa dumi ng hayop at tao, at preservative na formalin. O kaya sakit na African Swine Fever at Bird Flu. Maaring makontamina ang mga sakahan sa Pilipinas at magkasakit ang kakain nito.
May mga kontratistang tagawasak ng condemned na kontrabando. Mahigpit ang mga alituntunin sa pagwasak. Dapat sagasaan ng pison, at ibaon ang bawal na pagkain sa loob ng takdang bilang ng araw.
May katunayan dapat ang pagwasak. Importanteng masaksihan ng opisyales ng iba’t ibang ahensiya. Kalakip ng ulat ng pagwasak ang mga retrato at video clips.
Tila kulang ang Customs sa pagtupad ng mga alituntunin. Sa press releases, wala silang nilalakip na retrato at video clips. Puro salita lang. Kaya hindi kapani-paniwala na totoong winasak ang kontrabando. At dahil du’n, patuloy ang agricultural smuggling.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).