PINAG-COURTESY resignation ng Secretary of Interior and Local Government ang 952 police generals at colonels. Ito raw ang “shortcut” niya para matanggal ang sampu na sangkot sa narco-trafficking.
Umangal ang maraming retiradong heneral. Dapat lang umano durugin ang salot na droga. Pero daanin daw sa wastong proseso: wag umasa sa intelligence gathering; masusing imbestigahan at ihabla. Ipakulong ang mga salarin, huwag palayain sa normal na lipunan.
Kontrapelo ang “courtesy resignation” sa Civil Service Commission Resolution No. 011782-2001. Sabi du’n hindi matuturing na legal ang ganu’ng resignation dahil maaring labag sa kalooban. Kaya “null and void” ante-mano ang anumang utos o direktiba para mag-courtesy resignation. Kinatigan ‘yon ng Career Executive Service Board Circular No. 7-2004. Career execs ang mga heneral.
Anang SILG susuriin ng espesyal na panel ng National Police Commission ang courtesy resignations. Tatanggapin ang sa sampung tiwali. Pero dahil sa CSC at CESB policies, maari idemanda ng sampu ang Napolcom kung saan chairman ang SILG.
Mali mag-shortcut. Magbubunsod ito ng palakasan, paboritismo, at demoralisasyon. Mabubulabog ang National Police.
Ugali ng pulis mag-shortcut. “Sina-salvage” nila ang serial murderers, robbers, rapists. Nu’ng nakaraang admin, 7,000 ang pinatay nilang pinaghihinalaang pushers dahil umano “nanlaban”. Iisa ang tabas ng mga biktima: naka-shorts at basketball jersey, may .38-caliber revolver. Pati mga menor-de-edad ay pinatay.
Mahirap, mabagal na proseso ang legal. Pero ‘yon ang dapat. Pantay-pantay lahat sa mata ng batas. Pananagutin ng hustisya ang tiwali, at matututo ang mga mamamayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).