NILABAG ng China ang mga batas pandaigdig kontra infectious diseases, pagkalakal ng endangered species, atbp. Kaya nagka-SARS-CoV-2. Milyun-milyon ang pinatay ng COVID-19, marami pang naospital at nagkapangmatagalang sakit, nawasak ang mga ekonomiya, naantala ang edukasyon, at nagulo ang mga lipunan. Singilin lahat ito sa naghaharing Chinese Communist Party. Ito ang mga dahilan at ebidensiya:
(1) Binalewala ng CCP ang panawagan ng mundo na ihinto ang $79 bilyon kada taong wildlife trade, tulad ng paniki at pangolin na sanhi ng 2003 SARS-CoV-1. (2) Pinagtakpan ng CCP nu’ng Nov. 2019 ang pagsibol ng virus sa Wuhan; inaresto at pinatahimik ang mga doktor na unang nag-ulat. (3) Hinayaang bumiyahe ang 5 milyong taga-Wuhan at Hubei sa China at mundo kaya nag-pandemic; ang una at ikatlong kaso sa Pilipinas ay turistang Wuhanese. (4) Sinara ng CCP ang Shanghai lab na nag-genome sequencing sa virus; dinakila lang nu’ng huli ang mga eksperto roon para propaganda.
(5) Minalisya ng CCP na U.S. Army kuno ang nagdala ng virus sa Wuhan. (6) Pinahinto ang Australian exports ng wine, tupa, at dairy dahil nagpanukala ito na alamin ng United Nations kung bakit nagka-virus. (7) Nang inako sa wakas ng CCP na may virus nga, kinamkam nito ang mga gamot pang-impeksiyon. (8) Binraso ang mahihinang bansa kapalit ng ayudang pandemic; ehemplo, ipinasibak sa Czech Republic ang ministrong nagsiwalat ng CCP cyber-spying sa Europe bago sila padalhan ng face masks at ventilators.
(9) Una inantala tapos niloko-loko ang World Health Organization investigators na lumipad sa Wuhan. (10) Kinorap ang mga dayuhang gobyerno para bilhin ang mga walang kuwentang bakunang Sinovac, Sinopharm at CanSino. Hanggang ngayon hindi pa umaamin kung magkano ang bili ng National Task Force Against COVID-19 ng Pilipinas. (11) Sinamantala ang pagkaabala ng mundo sa pandemic para mang-agaw ng teritoryo; inokupa ang Sandy Cay at Julian Felipe Reef natin. (12) Ikinatuwiran ang pandemic para supilin ang protesta sa Tibet, Xinjiang, Inner Mongolia, Szechuan, Hennan, Hong Kong; pinaghahandaan pa ngayon salakayin ang Taiwan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).