stock image
Asahang makikialam ang Beijing sa halalan ng pangulo, lehislatura at lokal sa 2022. Ilegal na mag-aambag ito sa kampanya at magha-hacking. Magluluklok ang China sa Malacañang at Kongreso ng mga magsusulong ng interes nito sa West Philippine Sea at Taiwan.
Isa o mahigit na “Manchurian candidate” ang itataguyod ng Chinese Communist Party, babala ng mga eksperto. Malamya ang pagpapatupad ng mga batas pang-eleksiyon, at dungo si President Rody Duterte sa CCP, anila. Halaw sa nobela ni Richard Condon nu’ng 1959, ang Manchurian candidate ay pulitikong taksil sa bansa o partido.
Pera ang pangunahing paraan ng panghihimasok ng China, ani geopolitics professor Renato de Castro, PhD. Nangyari na ito noon. Inehemplo niya ang national broadband network, sangkot ang Chinese state telecom company ZTE nu’ng Halalan 2007.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
In-expose sa Sapol, may kickback na $200 milyon (P10 bilyon) ang $329-milyong NBN contract ng Malacañang sa ZTE Corp. Sinangkot ng Senado sa imbestigasyon ang Comelec chief. Kasama sa “tong-pats” ang $72 milyong pangkampanya ng senatorial ticket ng administrasyon. Lumitaw sa mga sumunod na imbestigasyon ng US Congress at Australian parliament na nanuhol din ang ZTE sa mga lider sa Mexico City, at mga bansa sa Central Asia at Africa. Dalawang mataas na executives sa ZTE ay mga anak ng mga pinuno ng CCP.
Kapag makontrol ng China ang Malacañang at ilang mambabatas, lalo itong makapagnanakaw ng isda sa West Philippine Sea. Maaagaw ang langis at gas sa Recto Bank. Maliit na puhunang pansuhol sa Manchurian candidate, pero daan-bilyong pisong yamang dagat ang kapalit.
Nagmamalaki ang mga pinuno sa Beijing sa pagmanipula nila sa Halalan 2016, kung saan nanalo si Duterte, ani dating Foreign Secretary Albert del Rosario. Mabeberipika ang impormasyon ng Philippine Embassy doon, dagdag niya. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).