WASTONG ituring ang Asia na binubuo ng Indian at Pacific Oceans. Kaya ang rehiyon na ‘yon ay tinatawag na Indo-Pacific. Pinagdurugtong ng South China Sea at Celebes Sea and Indian at Pacific Oceans.
Tinataguyod ‘yon ng Japan, Mongolia, Korea, Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Brunei, Singapore, East Timor, Papua New Guinea, Palau, India, Bangladesh, Pakistan, Sri Lanka. Pabor din ang Australia at New Zealand. Ang dating Pacific fleet ng America ay pinangalanan nang Indo-Pacific fleet. Indo-Pacific ang turing ng Britain, France, Germany, Netherlands at Canada sa ruta ng kalakalan.
Kontra ang China sa Indo-Pacific. Turing nila sa sarili ay sinaunang Middle Kingdom pa rin ng imperial dynasties. Nilikha raw ng diyos nila ang China bilang pusod ng daigdig. Tadhana umano nila sakupin, impluwensyahan, at makipagkalakaran sa paligid na pook.
Inagaw ng China ang Tibet, Xinjiang, Inner Mongolia at Taiwan. Tinangkang lupigin ang Japan, Okinawa, Indo-China at Malay Empire. Inaangkin ang buong South China Sea, independiyenteng Taiwan, Senkaku Islands ng Japan, Bhutan, at North East India. Gumagawa ng dams sa limang malalaking ilog mula Tibet, kaya nasasakal ang tubig papuntang India, Pakistan, Laos, Cambodia, Myanmar, Thailand at Vietnam. Pinapasok ang pangisdaan ng Palau at Papua New Guinea.
Sa Belt and Road Initiative kunwari tumutulong ang China sa mga kapit-bansa. Pero pinag-aaway-away niya sila. Pinag-isa ang mga bansang Central Asia para labanan ang Russia. Sinusuportahan ang bansang North Korea laban sa South, Japan at Guam. Tinututa ang Laos kontra sa siyam pang miyembro ng ASEAN. Inagaw ang pier ng Sri Lanka dahil hindi makabayad sa pautang ng China. Kinampihan ang malupit na Taliban agawin ang gobyernong Afghanistan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).