Araw-araw pinapasok ng Communist Chinese fighters at warships ang air at sea space ng Taiwan. Dose-dosena sila sa formation na animo’y lulupigin ang isla.
Nagsimula ito nu’ng bumisita si U.S. Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan nu’ng Agosto 10. Bago nu’n, minsan lang namasok ang walong Chinese fighters sa Taiwan air territory.
Binalaan ng Beijing si Pelosi na huwag labagin ang One-China Policy ng Washington. Probinsiya lang umano ng Beijing ang Taiwan, maski hindi ito nakontrol ng komunista sa nakaraang 100 taon. Kung magmatigas-ulo raw si Pelosi, malagim ang kahihinatnan, banta ng Communist China.
Estilo ng People’s Liberation Army na linlangin ang kalaban. Turo ‘yon ni Sun Tzu, sinaunang military strategist. Sa araw-araw na paghimasok ng maraming sasakyang pandigma sa isla, malilito ang Taiwan. Araw-araw din kasi palilikasin ang mga sibilyan sa air raid shelters. Hindi nila alam kung totoong paglusob na o pananakot lang ang nangyayari. May mga espiya ang Beijing sa Taiwan. Nire-report ng mga ito ang kalagayan at pag-iisip ng Taiwanese.
Hindi mabasa ang plano ng Beijing kung lulusob talaga o hindi. Ang malinaw ay may bagong batas ang China na dapat bawiin ang Taiwan at wasakin ang demokratikong sistema nito.
Nahihilo rin ang Amerika. Hindi malaman kung paano tutugunan ang paghihimasok ng kalaban. May kasunduan sila na tutulong sa Taiwan kung lusubin ito. Pero kung hadlangan ng Amerika ang panghihimasok ng China, baka sumiklab ang nuclear war. Sa gan’ung digmaan madadamay ang mundo. Kakampi ang Europe sa Amerika, at ang Russia sa China. Ubusan ng lahi.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).