“DIVIDE and conquer.” Estratehiya ng China pag-away-awayin ang mga kasapi ng Association of Southeast Asian Nations — para malupig lahat. Iba’t ibang anyo at larangan sila pinagtutunggali: sa turismo, kalakalan, puhunan, at geopolitics. Dapat kumawala ang ASEAN.
Parehong magaganda ang beaches sa Thailand, Vietnam, Pilipinas at Indonesia. Pinapupunta ng China ang mamamayan nito sa kung sino ang mas sipsip sa kanya. Pare-parehong nagbebenta ng prutas ang Vietnam, Thailand, Malaysia at Pilipinas; muli pinalalamang ng China kung sino ang maamo. Maliban sa Singapore, lahat ng ASEAN states ay nangangailangan ng puhunan at utang; nagbubuhos ang China ng pondo sa sinomang may lider na tuta. Tatlo sa ASEAN ay Komunista tulad ng China — Vietnam, Laos, Cambodia; pambato sila ng China kontra sa mga demokratikong kapitbansa. At kinakampihan ng China ang diktadurya ng militar sa Myanmar kontra sa ASEAN.
Mayroon din silang magkakaparehong problema sa China. Inaangkin ng China ang mga dagat, isla, langis at isda ng Indonesia, Vietnam, Brunei, Malaysia at Pilipinas. Sa taunang ASEAN Summit, tuwing binabalak ng lima tuligsain ang agresyon ng China, pinahaharang sila sa Cambodia, Laos at Myanmar.
Mula 2018 umalma ang Vietnam, Thailand, Cambodia at Myanmar sa pagtayo ng China ng 13 dams sa bahagi nito ng Mekong River. Ipinagtayo ng China ang Laos ng hydroelectric dam at ang Myanmar ng riles para kontrahin ang tatlo pang nasa mainland Asia.
Naghihirap ang mayorya ng ASEAN sa pag-agaw ng China ng dagat at ilog. Mainam na magkaisa ang Vietnam, Thailand, Cambodia, Malaysia, Brunei, Indonesia at Pilipinas para pigilan ang China at idulog ang isyu sa United Nation. Kakatig sa kanila ang Singapore. Para lang tingting ang bawat isa sa kanila — madaling bakliin. Pero kapag pinagbigkis nagiging matibay na pamalo para labanan ang bully.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).