Dahil sa pandemic lockdowns sa buong mundo, dumalang ang paggamit ng mga sasakyang de motor. At dahil nawalan ng perang pambili ang mga tao, kumonti ang produksiyon ng mga pabrika na bumubuga ng usok. Epekto: bumagsak ang polusyon ng carbon dioxide (CO2) na emissions ng trak, kotse, makina sa paggawa, at kur-yenteng likha ng uling, langis, at natural gas.
Pero hindi rin luminis ang hangin. ‘Yon ay dahil nanatiling malala ang polusyong dulot ng isa pang gas: methane (CH4).
Walumpu’t anim na beses mas grabe ang pagsira ng methane kaysa carbon dioxide, anang mga eksperto. Nabubutas ang ozone layer. Nasisira ang balanse ng kalikasan. Nagbabago ang klima. Lumalamig masyado sa hilaga at timog, umiinit sa equator. Nasisira ang pananim, nagkakasakit at nagugutom ang mga tao, maraming namamatay.
Mula sa bank robbery ay leksiyon sa negosyo
Normal ang methane sa mga lati, ilog, lawa, at nabubulok na dahon. Idinidighay at inuutot ito ng tao at hayop.
Pero mataas ang produkyon ng methane dahil sa kaunlaran. Sumisirit ang methane sa pagmimina ng uling, langis at gas. Sumisingaw sa oil wells at pipelines. At katulad ng carbon dioxide, lumalabas ang methane sa paggamit ng fossil fuels sa paggawa ng kuryente.
Nalilikha ang methane sa pagpapalayan at paggawa ng pataba. Inuutot at dinidighay ng bilyong pinapastol na baka, kambing at tupa – mga kailangan ng tao para sa karne, keso, gatas at damit. Kasabay ng carbon dioxide ang methane sa emissions ng kotse, bus, trak, tren, eroplano at barko. Iba pang sanhi: kaingin, sunog, pagsisiga, tambakan ng basura, imburnal, at wastewater treatment plants.
Nag-uusap ang mga bansa na pababain ang kanilang methane emissions. Mas malaking populasyon, mas malaki dapat ang bawas. Pero kailangan din ng agham para makahanap ng alternatibo. Ineeksperimento, halimbawa, ang digman bilang pataba sa hayop para di gaano umutot. At sasakyan na aandar sa tubig o hangin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).